2 tulak, laglag sa Caloocan, Valenzuela drug bust, P272K droga, nasabat
- Published on August 19, 2025
- by @peoplesbalita
NASAMSAM sa dalawang tulak ng droga, kabilang isang high-value individual (HVI) ang mahigit P270K halaga ng shabu nang maaresto sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Caloocan at Valenzuela Cities.
Ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan City Police Station OIC Chief P/Col. Joey Goforth ang buy bust operation kontra kay alyas “Amo”, 42, (HVI), sa koordinasyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasypn hinggil sa umano’y illegal drug activities nito.
Nang matanggap ang signal mula sa kanilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na positibo na ang transaksyon, agad lumusob ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police saka dinamba ang suspek sa NPC Road, Barangay 163.
Nakumpiska kay ‘Amo’ ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P136,000.00 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at anim na P1,000 boodle money.
Sa Valenzuela, nadakip naman ng mga operatiba ng SDEU ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, si alyas “Barote” nang kumagat sa isinagawang buy bust operation sa Karuhatan Public Cemetery sa Brgy. Karuhatan bandang alas-2:55 ng madaling araw.
Sa ulat ni Lt. Dascil kay Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, nakuha nila sa suspek ang nasa 20 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000, buy bust money na isang tunay P500 bill at pitong P1,000 boodle money, P200 cash, driver license at itim na coin purse.
Kapwa sinampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan at Valenzuela City Prosectuor’s Office.
Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang mga operatiba sa kanilang pagsisikap at teamwork na binibigyang-diin na ang mga naturang operasyon ay nagpapakita ng determinadong pangako ng PNP sa paglaban sa ilegal na droga. (Richard Mesa)