• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 3:59 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, Valenzuela LGU, namahagi ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo at habagat

NAMAHAGI si National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai, kasama si Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng nagdaang mga bagyo at Habagat na ginanap sa ALERT Multi-purpose Center Hall, Barangay Malinta.
Nasa 1,521 pre-assessed beneficiaries na tinukoy ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) mula sa iba’t ibang barangay ang nakatanggap ng tig-P10,000 tulong pinansyal. Ang monetary assistance sa ilalim ng EHAP ay naglalayon na tulungan ang mga apektadong pamilya ng bagyo para ayusin at muling itayo ang kanilang mga nasirang tahanan.
          Sa kanyang mensahe, sinabi ni Tai na “Dito po sa Valenzuela, ako po ay isa ring kapwa valenzuela, at bilang tugon sa kautusan ng Pangulong Bongbong Marcos na tulungan ang lahat ng mga biktima ng bagyo, narito po kami ngayon, ang NHA, para bigyan kayo ng financial assistance sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program. Ang programang ito ay nagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga pamilyang naapektuhan ng mga natural na kalamidad at sana ay makatulong ito sa inyo para unti-unting makabawi sa buhay.”
          Sa kabilang banda, ipinahayag ni Mayor WES ang kanyang pananabik na maibsan ang mga isyu sa baha sa lungsod.
“Labindalawang barangay po ang naapektuhan ng matinding pagbaha at umabot po sa higit sampung libo ang nag evacuate sa ating mga evacuation centers, kaya’t napakabigat po nito para sa atin. Kaya natutuwa po ako dahil sa tulong po nitong biyayang ito at sana ay matulungan tayong makabangon mula sa mga bagyong nagdaan. Nagsasagawa rin po tayo ng Oplan Linis Ganda, para po sa tuloy tuloy na paglilinis, pagaayos ng mga kable, pagpuputol ng puno at marami pang iba. Ginagawa po natin ito araw araw at asahan po ninyong makakarating ito sa inyong mga lugar. Kaya’t humihingi po ako ng tulong sa inyo sa pamamagitan ng hindi pagkakalat at paglilinis para po mabawasan ang pagbaha sa ating lugar.” sabi niya.
Nakiisa rin sa kaganapan sina Valenzuela 1st District Representative Kenneth Gatchalian, Vice Mayor Marlon Alejandrino, Councilors Sel Sabino-Sy at Cris Feliciano-Tan at NHA NCR North Sector Regional Manager Jovita Panopio na muling nagpatibay ng kanilang pangako sa pagpapalakas ng disaster response at recovery efforts sa lungsod.
Ang pamamahagi ng EHAP ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng lungsod, kasama ang mga pambansang ahensya na maghatid ng agarang suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad. (Richard Mesa)