LABAN NI PBBM SA KORAPSYON AT PALPAK NA FLOOD CONTROL LABAN NG BAWAT FILIPINO -GOITIA
- Published on August 19, 2025
- by @peoplesbalita

Sinabi ni Goitia na sa mga isinagawang on-site inspections, kabilang ang lalawigan ng Bulacan, isa sa mga itinuturing na flood-prone province, nadiskubre ni Presidente Marcos sa kaniyang pagbisita na ang dalawang barangay sa bayan ng Calumpit — Barangay Bulusan at Barangay Frances — ay may mga problemang itinatago, kabilang ang mga kapabayaan sa proyekto na halatang hindi nagawa ng maayos.
Sa nadiskubre sa Barangay Bulusan, mahigit 200 metro ng river protection structure ang hindi pala naitayo kahit may mga report na idineklarang tapos na ang proyekto. Sumisid pa sa ilalim ang mga divers para magsagawa ng inspeksyon at lumabas na manipis at hindi pantay ang kongkreto, may mga siwang sa mga pundasyon na maituturing na trabahong palpak at tiyak na babagsak,” paliwanag ni Goitia.
Idinagdag pa niya ang matapang na pahayag mismo ng Pangulo na kailangan nilang ipaliwanag kung bakit ganito ang pagkakagawa. Dapat maranasan nila ang hirap na dinaranas ng tao dahil sa kapabayaan nila.
Sa Barangay Frances naman, nadiskubre naman ang proyekto na P77.1 milyon na mababa ang kalidad ng materyales at hindi kumpleto ang dredging, kahit nakalista itong tapos na.
Inutusan din ng Pangulo ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng imbestigasyon sa lahat ng flood control projects upang malaman kung saan napunta ang pera ng bayan.
Maging sa Oriental Mindoro, ibinunyag din ni Gov. Bonz Dolor ang mga dike na bumagsak ilang linggo matapos maitayo.
“Masakit isipin na napunta lamang sa iregularidad at korapsyon ang 39-bilyong pondo, kaya umapela mismo si Gov. Dolor ng tulong kay Presidente Marcos para papanagutin ang mga contractors at mga opisyal na maaaring sangkot sa nasabing proyekto,” wika niya.
Nanawagan si Goitia sa lahat ng Pilipino na makiisa: “Bawat palpak na dike ay panganib sa pamilya. Bawat pisong nakurakot ay pagkain na nawala sa mesa ng isang kababayan natin. Sinabi na ng Pangulo: walang puwang ang magnanakaw. Laban ito ng lahat ng Pilipino.”
At sa huli, buo ang paninindigan ni Goitia: “Ibubulgar natin ang tiwali. Lalabanan natin ang mga walang malasakit. Susuporta tayo sa Pangulong may tapang humarap sa korapsyon. Dahil hindi lang ito politika, buhay at dangal ng bawat Pilipino ang nakataya.” Gene Adsuara)