BARANGAY HEALTH WORKER, 2 IBA PA TIMBOG SA BUY-BUST OPERATION NG PDEA
- Published on August 18, 2025
- by @peoplesbalita
NAARESTO ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang barangay health worker sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA Cebu Provincial Office, kasama ang Malabuyoc Police Station at 703rd Maneuver Company, sa Sitio Palaypay, Barangay Tolosa (drug cleared), Malabuyoc, Cebu, dakong alas-12:20 ng tanghali noong Agosto 15, 2025.
Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang pangunahing target ng operasyon bilang si alyas June, 30 anyos, isang construction worker at residente ng nasabing lugar.
Naaresto rin ang kanyang live-in partner na si alyas Jane, 23 anyos, isang barangay health worker ng Tolosa, Malabuyoc, Cebu, at isa pang kasabwat na kinilalang si alyas Marben, 30 anyos, magsasaka mula sa Lipanto, Alegria, Cebu.
Nakumpiska sa operasyon ang labing-isang (11) pakete ng shabu na may timbang na humigit-kumulang 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P68,000 sa merkado, marked money, perang pinaniniwalaang kita mula sa ilegal na bentahan ng droga, dalawang (2) cellphone, isang (1) .45-caliber pistol na may magazine at tatlong (3) bala, at mga drug paraphernalia.
Isinumite na sa PDEA 7 Regional Office Laboratory ang mga nakumpiskang ebidensya para sa wastong disposisyon.
Sa mga barangay na idineklarang drug cleared, kinakailangan ang tuloy-tuloy na pagmamanman at beripikasyon sa mga naiulat na ilegal na aktibidad kaugnay ng droga at ang masigasig na pagpapatupad ng mga anti-illegal drug operations.
Sumasailalim din ang mga naturang barangay sa taunang validation process upang matiyak na kanilang napapanatili ang kanilang katayuan bilang drug cleared.
Ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, anuman ang dami o quality, ay may katapat na pinakamabigat na parusa na habambuhay na pagkabilanggo at multang mula P500,000 hanggang P1 milyon.
Kakasuhan ang mga suspek sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). (PAUL JOHN REYES)