ASEC MENDOZA, MARIING KINONDENA ANG PAGPAPAKALAT NG PEKENG BALITA LABAN SA LTO
- Published on August 18, 2025
- by @peoplesbalita

Habang tuloy-tuloy ang pagbabantay ng LTO sa social media laban sa mga viral na larawan at video ng mga pasaway na motorista, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na nakakatagpo rin ang social media monitoring team ng ahensya ng mga maling impormasyon at paninira laban sa LTO.
“Madaming nagpapakalat ng maling impormasyon at ang malungkot nito ay marami silang nalolokong mga kababayan natin. Hindi po natin pinapansin ito noong una dahil mas may malaki tayong inaasikaso na matapos ang backlog sa mga plaka,” ani Asec Mendoza.
“Ipinapakalat ang maling impormasyon na tila totoong balita o breaking news, kaya’t marami sa ating mga kababayan online ang napapaniwala. Panahon na para labanan natin ito,” dagdag pa niya.
Pinakahuling halimbawa ng ganitong paninira ay ang isang video sa TikTok na sinsupinde ng LTO ang Online Drivers Licensing System, pati na rin ang hindi bababa sa apat na courier service.
Mabilis naman itong nilinaw ni Asec Mendoza na patuloy pa ring gumagana ang Online Drivers Licensing System at walang katotohanan ang balitang may sinuspindeng courier service.
“Nakikita natin yung motibo na paninira lang talaga na ang intension ay magalit ang tao sa gobyerno at the expense of the LTO,” ani Asec Mendoza.
Ang pakikipag-ugnayan sa PNP ay kaugnay ng inilunsad na mas pinaigting na kampanya ng pambansang pulisya laban sa mga nagpapakalat ng fake news, na nagresulta sa pagsasampa ng kaso laban sa ilang vloggers.
Kabilang sa mga kasong ito ang insidente ng komosyon sa isang pampasaherong bus sa Cebu, na pinalabas umano ng isang vlogger bilang insidente ng pagnanakaw sa kalagitnaan ng araw.
“Kailangang matigil ito at kailangan ang pagtutulungan para panagutin ang mga taong nasa likod ng mga fake news na ito,” ani Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)