• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 2:18 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mag-live-in partner na suspek sa pagpatay sa 2 babae sa Zambales, tiklo sa Caloocan

NATIMBOG ng pinagsanib na puwersa ng Caloocan City Police, Provincial Police Drug Enforcement Unit (DEU) ng Zambales at Police Regional Office (PRO) 3 ang maglive-in partner na kabilang umano sa mga suspek sa pagpatay sa dalawang babaeng natagpuang may tama ng bala sa gilid ng kalsada sa Brgy. Salaza, Palauig, lalawigan ng Zambales, noong Huwebes ng umaga.

Nakorner ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth at Zambales Provincial Director P/Col. Benjamin Ariola sina alyas “Jinky” 30, at kinakasamang si alyas “Benedict”, 34, sa Room 131 ng Sogo Hotel sa Bagong Barrio, alas-11:30 ng Sabado ng umaga matapos matunton sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV ang kanilang sinakyang itim na Subaru SUV na gamit umano sa krimen.

Iprinisinta nina Cols. Goforth at Ariola ang mga suspek kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio matapos masamsam sa kanila ang isang kalibre .38 revolver na hinihinalang isa sa mga ginamit na baril.

Ayon kay Col. Ariola, may kinalaman sa umano ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktimang sina alyas “Khang-Khang”, 24, ng Brgy. Tal-Tal, Masinloc, Zambales at sa isang alyas “Leng-Leng”, na aniya ay kapuwa asset ng pulisya. May nakuha ring mga plastic sachets na pinaglalagyan ng shabu sa dalawa ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO)..

Aniya, inaalam pa nila kung sino pa ang mga kasabuwat ng maglive-in partner sa pagpaslang lalu’t may nakuha pang limang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola sa crime scene.

Natukoy ng pulisya ang gamit na sasakyan ng mga suspek sa tulong ng 56-anyos na vendor na nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril dakong alas-3 ng madaling araw kasabay ng mabilis na pagharurot ng isang sasakyan. (Richard Mesa)