PBBM, sa mga kinauukulang ahensiya; imbestigahan ang sunud-sunod na krimen sa mga eskuwelahan
- Published on August 16, 2025
- by @peoplesbalita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa kamakailan lamang na krimen kung saan sangkot ang isang guro at estudyante sa loob ng paaralan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ‘fully aware’ si Pangulong Marcos sa sunud-sunod na karahasan sa eskuwelahan at hangad ang agarang aksyon para tugunan ang usapin.
Binigyang diin ni Castro ang agarang imbestigasyon gayung ang mga mga sangkot sa krimen ay menor de edad at nagpahayag ng pagkabahala sa mental health sa mga kabataan.
“So, muli kailangan po talagang maimbestigahan ito lalo po at mayroong mga menor de edad na nasasangkot po dito at nagiging isyu na po talaga iyong mental health sa mga Kabataan,” ang sinabi ni Castro.
“So, hindi po ito tutulugan, at aaksyunan po ng mga concerned agencies agad-agad din po,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, inatasan na ni Pangulong Marcos ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP) na tingnan ang crime incidents sa mga eskuwelahan.
Ipinag-utos na ng DepEd ang mas mahigpit na school safety measures at pinagtibay ang preventive measures, kasunod ng lumalagong alalahanin ukol sa school security sa gitna ng insidente ng school-based violence.
Samantala, winika ni Castro na wala pang posisyon ang Malakanyang sa panukalang mas ibaba ang minimum age ng criminal responsibility sa 10 taong gulang para sa mga kabataan na nakagawa ng heinous crimes.
“Sa ngayon, hindi ko po nakausap ang Pangulo patungkol po diyan pero tandaan natin even before kung hindi tayo nagkakamali ang Revised Penal Code naman nine below ang hindi exempted ‘no na makasuhan. Pero kapag may certain age 12 acting with discernment ay maaari naman po talagang makasuhan. Pero iyon lang iyong aking pagkakatanda, medyo matagal na po kasi iyong Revised Penal Code pagdating sa edad dahil ngayon po 15 below ay hindi nakakasuhan.,” ang sinabi ni Castro. ( Daris Jose)