Badyet, uumpisahang talakayin ng Kamara sa Agosto 18
- Published on August 16, 2025
- by @peoplesbalita
NAKATAKDANG talakayin ng kamara sa Lunes (Agosto 18) ang pagrerebyu at deliberasyon ng National Expenditure Program (NEP) para sa panukalang P6.793-trillion national budget para sa fiscal year 2026, natinatayang tatapusin pagdating ng Oktubre 10.
Inihayag ito ni House Committee on Appropriations chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing sa isang press briefing matapos na isumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang NEP kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez nitong Miyerkules.
“As we always do and as the Speaker said, we will do our best to finish the budget as soon as possible. So we will work hard po, tuluy-tuloy iyong ating mga deliberasyon para po kung kakayanin natin ay ma-approve na rin po on third and final reading. We will work as fast as we can at kung anuman po ang kaya nating tapusin on Oct. 10,” ani Suansing.
Orihinal na nakatakdang umpisahan ng Kamara ang deliberasyon ng badyet simula Setyembre 1, 2025. Sa pagkakasumite ng NEP, maagang sisimulan ang pagtalakay dito na gagawain sa Lunes (agosto 18).
Sinabi ni Suansing na nakalista na ang gagawing reporma ng kamara tulad ng pagbuwag sa small committee, open bicam at pagsali ng civil society organizations (CSOs) sa committee deliberations.
“We would like to do the reforms in the course of the (budget) deliberations. That’s why we want to allow for more time for the deliberations so we are starting on Aug. 18 all the way through Oct. 10,” pahayag nito.
(Vina de Guzman)