• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mabagal, maanomalyang waste management system ng Pilipinas; dahilan ng malalang pagbaha sa Metro Manila; Erice

MARIING sinabi ni Caloocan City 2nd District Congressman Edgar “Egay” Erice na ang mabagal at maanomalya umanong waste management system mayroon ang Pilipinas ang dahilan kaya’t di nabibigyan ng solusyon ang paulit-ulit at malalang pagbaha sa Metro Manila.
Sa kanyang talumpati sa harap ng ika-20 Kongreso na naganap noong Lunes, Agosto 11, 2025, sinabi ni Erice na hindi lamang dahil sa kakulangan sa imprastraktura ang dahilan ng pagbaha sa bansa kundi ang sirang sistema ng pangangasiwa ng basura.
Aniya, sa tagal ng kanyang karanasan sa pamahalaan at pangangasiwa sa environmental sanitation, nasaksihan nito ang hirap at sakripisyo ng mga taga-Caloocan mula sa mga nagdaang kalamidad gaya ng mga bagyong Dante, Emong, Fabian at Habagat.
Tinukoy ng mambabatas ang datos mula sa isang pag-aaral ng Bloomberg noong 2020, kung saan lumabas na Pilipinas ang nangunguna sa buong mundo sa pagbibigay ng plastic waste sa karagatan – patunay, ayon sa kanya, ng mabagal at maanomalyang waste management system na pumapabor lamang sa ilang malalaking kontratista.
Ayon kay Erice, bilyon-bilyong piso ang ginagastos ng mga lokal na pamahalaan para sa garbage collection, ngunit 60-70% ng basura ay nananatiling nakatambak sa mga kanal, estero, at ilog.
Dahil dito, nananawagan siya ng “clean up all” policy na mag-oobliga sa mga garbage contractor na linisin hindi lamang ang mga kalsada, kundi pati ang lahat ng daluyan ng tubig.
Kasama sa kaniyang iminungkahing solusyon ang malawakang dredging mula sa DPWH na, ayon sa mga pag-aaral, maaaring magpababa ng pagbaha ng 30-70% at magpabilis ng paghupa nito mula tatlong oras hanggang kalahating oras.
Binanggit din ni Erice na may tinatayang 600,000 pamilya ang nakatira sa tabi at ibabaw ng waterways kaya hinimok niya ang pambansang pamahalaan na pabilisin ang relokasyon ng mga ito at tiyakin ang in-city relocation upang maiwasan ang kanilang pagbabalik sa mga lugar na delikado.
Bilang pangmatagalang hakbang, iminungkahi rin niya ang pagtatatag ng Metropolitan Manila Regional Administration na pamumunuan ng isang governor at isang metropolitan assembly.
Ang layunin nito ay magkaroon ng iisang pamamahala para sa waste management, flood control, trapiko, transportasyon, land use, at urban planning – mga problemang aniya ay hindi kayang tugunan ng 17 magkakahiwalay na LGU at ng kasalukuyang “toothless” MMDA.
Ang panukalang ito ay naipasa na sa Committee on Metro Manila Development para sa agarang pagtalakay. (Richard Mesa)