pasalubong ni PBBM sa mga mamamayang filipino mula sa byahe nito sa India, $446-M direct investments, mas matatag na ugnayan
- Published on August 9, 2025
- by @peoplesbalita
BENGALURU– NATAPOS na ang five-day state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa India bitbit ang pasalubong sa mga Filipino na USD446 million na direct investment pledges at ni-renew na commitment para palawigin ang pagtutulungan sa pagitan ng Maynila at New Delhi.
“In terms of actual direct investment, we have already secured USD446 million… that is already what we have decided at the end of this trip,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa Philippine media delegation sa press briefing bago lumipad pabalik ng Maynila.
Sinabi ng Pangulo na umaasa siya na mas marami pang susunod na commitments.
“Estimate lang namin dyan with the several other areas, is the potential for investment of about USD5.6 (to) USD5.7 billion. So, malaking bagay talaga . India is a very, very strong economy,” ayon sa Chief Executive.
Inilarawan naman ng Pangulo ang kanyang inaugural visit sa India bilang “a new beginning” para sa Philippine-India relations, tinukoy ang “very encouraging exchanges” sa mga Indian leaders at business executives.
“The whole range of possibilities has now become clear to us… I am very happy with the results and glad we have opened new lines of communication,” aniya pa rin.
Matatandaang, dumating ang Pangulo sa New Delhi noong Agosto 4, kagyat na nakipagpulong sa Filipino community bago pa magdaos ng bilateral talks kasama si Prime Minister Narendra Modi at President Droupadi Murmu.
Sinaksihan naman ng magkabilang panig ang paglagda sa 13 kasunduan, saklaw ang larangan ng ‘defense, maritime cooperation, agriculture, fintech, at cultural exchange.’
Sa isang panayam kasama ang Indian media, muling pinagtibay ni Pangulong Marcos ang commitment ng kanyang administrasyon na depensahan ang soberanya ng Pilipinas sa gitna ng tensyon sa Indo-Pacific.
Pinuri naman nito ang India bilang “responsible major power” para sa pagsunod sa international tribunal rulings ukol sa maritime disputes — taliwas sa pagbasura ng Tsina sa 2016 arbitral award sa South China Sea. ( Daris Jose)