• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BRITISH NATIONAL NA MAY DALANG MAHIGIT 15kls. SUSPECTED MARIJUANA KUSH, NASAKOTE NG PDEA SA NAIA

ARESTADO ang isang British national sa interdiction operation sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, na humantong sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 15,078 gramo ng hinihinalang Marijuana Kush.
Ang operasyon ay naganap bandang alas-8:40 ng gabi noong Agosto 7, 2025, at isinagawa ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na binubuo ng mga tauhan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office NCR, Bureau of Customs – CAIDTF, PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation and Bureau of Immigration.
Ang suspek na kinilala sa alyas na “Patrick”, pasahero mula sa Bangkok, Thailand. Sa isang nakagawiang inspeksyon sa kanyang berdeng bagahe, natuklasan ang tatlumpu’t limang transparent na plastic na pouch na nakabalot ng packaging tape, na naglalaman ng mga tuyong dahon ng pinaghihinalaang Marijuana Kush na may kabuuang timbang na 15,078 gramo.
Narekober din ang mga non-drug items, kabilang ang mga identification documents, boarding pass, at cellular phone, na pawang pag-aari ng suspek.
Kasalukuyang nahaharap si Patrick sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na nagbabawal sa pag-angkat ng mga mapanganib na droga. Ang paglabag na ito ay may parusang habambuhay na pagkakakulong hanggang kamatayan at multang aabot sa sampung milyong piso, depende sa pinal na timbang at klasipikasyon ng mga sangkot na ilegal na droga.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ng droga ay ipapasa sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuri. Sasailalim sa inquest proceedings ang suspek. (PAUL JOHN REYES)