• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, hindi makikialam sa magiging desisyon ng Senado hinggil sa impeachment trial ni VP Sara

HINDI makikialam o makikisawsaw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. anuman ang magiging desisyon ng Senado ukol sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
”Kung ano po ang mangyayari sa Senado sa usaping ito ay nasa kamay po nila ‘yan at muli hindi po pang hihimasukan ng Pangulo kung ano man ang magiging trabaho po ng Senado,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa New Delhi.
Nauna rito, hiniling ni Senador Rodante Marcoleta sa plenary session ng Senado, araw ng Miyerkules, Hulyo 6 na agad nang ibasura ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ayon kay Marcoleta, may mga paglabag umano ang Kamara sa proseso ng pagsasampa ng Articles of Impeachment, batay na rin sa naging desisyon ng Korte Suprema na idineklarang labag sa Konstitusyon ang reklamo.
Sa kanyang privilege speech, binigyang-diin ni Marcoleta na hindi kailanman nakuha ng Senado ang hurisdiksyon sa kaso, at dahil dito ay wala umanong legal na batayan upang ituloy pa ito.
Tinukoy rin niya na ang mga pagdinig na isinagawa noong ika-19 na Kongreso ay hindi naipagpatuloy sa kasalukuyang ika-20 Kongreso, kaya’t pormal itong itinuturing na natapos na.
Para kasi sa Korte Suprema, paglabag sa one-year bar rule at paglabag sa right to due process, ‘yan ang mga ipinuntong dahilan ng Korte Suprema kaya idineklara nilang labag sa saligang batas ang articles of impeachment laban kay VP Sara.
Sinabi naman ni Castro na ginagalang Pangulo ang kapasyahan na ito ng Mataas n Hukuman. ( Daris Jose)