• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Higit P.3M droga, nasamsam sa Malabon drug bust, 2 tiklo

MAHIGIT P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang itinuturing na High Value Individual (HVI) matapos matiklo sa buy bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong mga suspek na si alyas “Salva”, 38, (HVI), ng Navotas City at alyas “Ending”, 46, ng Dagat-dagatan, Brgy. Longos.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Col. Umipig na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.
Dakong alas-11:45 ng gabi nang makipagtransaksyon umano ang mga suspek sa isang pulis na nagpanggap na buyer na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila sa Aguilar St., Brgy., Panghulo.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 50.4 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P342,720 at buy bust money.
Ayon sa pulisya, kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa mga suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Pinuri naman ni Gen. Protacio ang pagsisikap at propesyonalismo ng mga operatiba na nagbibigay-diin sa kanilang hindi natitinag na pangako sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)