Valenzuela LGU, bumuo ng Task Force para sa city-wide cleanup
- Published on August 9, 2025
- by @peoplesbalita
DAHIL sa magkakasunod na pag-ulan dulot ng bagyo na nagpabaha sa hindi bababa sa 80% ng Lungsod ng Valenzuela, nagtatag si Mayor Wes Gatchalian ng inter-department task force na magsasagawa ng malawakang paglilinis at pagpapaganda ng mga operasyon sa lungsod.
Ayon kay Mayor WES, ang paglikha ng Task Force Kalinisan ay bahagi lamang ng muling pinaigting na pagsisikap ng pamahalaang lungsod upang matugunan ang patuloy na problema ng pagbaha sa lungsod.
“While we are doing this regular cleanup, we are still studying and planning for a longer-term solution to the floods,” pahayag niya.
Pangungunahan ng Task Force Kalinisan, na binubuo ng mga tauhan mula sa iba’t ibang departamento ng lungsod, barangay, volunteers, at private sector partners, ang pagsasagawa ng “Operation Linis Ganda” sa buong lungsod.
Magsasagawa ang Task Force ng malawakang paglilinis at sa mga drainage, kanal, at iba pang daluyan ng tubig upang mabawasan ang pagbaha sa panahon ng malakas na pag-ulan.
Maliban dito, isasagawa rin ang mga aktibidad sa pagputol ng damo, pagputol ng mga puno, pag-aayos ng mga tinatawag na “spaghetti” wires at mga kable, pagpipinta ng mga dingding at iba pang open space, at pagsasaayos ng mga pampublikong pasilidad.
Nanawagan din si Mayor WES sa mga may-ari ng ari-arian, business establishments, at mga residente na tumulong sa mga pagsisikap na ito sa pamamagitan ng paglilinis ng kanilang mga bakuran at pagsasagawa ng wastong pamamahala ng basura tulad ng paghihiwalay ng basura at pag-recycle.
Nakipagtulungan din ang pamahalaang lungsod sa MMDA at NLEX Corporation sa paglilinis sa Meycauayan River sa Barangay Caingin na boundary ng Valenzuela at Meycauayan, Bulacan na layuning maibsan ang pagbaha sa kahabaan ng NLEX.
Sa susunod na dalawang taon, ipinunto ni Mayor WES na ang pamahalaang lungsod ay tututukan ang dredging, desilting, at paglilinis ng mga drainage at mga daluyan ng tubig sa Valenzuela habang sinisimulan nila ang mga pangmatagalang flood mitigation projects upang matugunan ang patuloy na pagbaha sa lungsod.
Kabilang dito ang pagtatayo ng siyam pang pumping station at water catchment basin sa McArthur Highway at paggawa ng bagong Urban Planning Drainage Master Plan para sa Valenzuela City, ayon sa alkalde. (Richard Mesa)