Naglalayong palakasin ang strategic ties… PBBM, nakasungkit ng defense deals sa India
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
KAPWA pinirmahan ng Pilipinas at India ang security deals na naglalayong palakasin ang strategic ties sa pagitan ng mga bansa.
Hanggang ngayon ay nasa India pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa kanyang five-day visit sa nasabing bansa.
Kapwa sinang-ayunan ng dalawang lider ang kasunduan na magpapalakas sa ugnayan sa pagitan ng kani-kanilang armed forces — army, at air force at maging ng kanilang navy, kasama ang Indian warships na kasalukuyan ngayong nakikibahagi sa patrol sa West Philippine Sea (WPS) kasama ang kanilang Philippine counterparts para sa unang pagkakataon.
“We agreed to continue levelling up our collaboration in defense and security… we have agreed to establish mechanisms for service-to-service talks for information sharing and training exchanges among our militaries,” ayon kay Pangulong Marcos.
Pinaigting naman ng Pilipinas ang defense cooperation nito na may kasamang mga kapanalig sa nakalipas na taon matapos ang serye ng banggaan sa Tsina sa pinagtatalunang katubigan.
“India and the Philippines are friends by choice and partners by destiny,” ang sinabi naman ni Modi kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sabay sabing “From the Indian Ocean to the Pacific, we are untied by shared values.”
Ang naging pagbisita ni Pangulong Marcos ay sinundan ng pagkuha sa BrahMos supersonic cruise missile system ng India — ang unang pag- export ng New Delhi — na may delivery na nagsimula noong Abril sa ilalim ng $375 million deal na nilagdaan noong 2022.
Ani Pangulong Marcos ang dalawang panig ay nauugnay sa “far-reaching, productive and forward looking” na talakayan.
“We expressed satisfaction over the rapid pace of the Philippines’ ongoing defense modernization and the expanding capabilities… of India’s indigenous defense industry as a partner in this undertaking, exemplified by our BrahMos project,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Ang India ay miyembro ng Quad group, kabilang ang ‘fellow democracies’ gaya ng Estados Unidos, Japan at Australia.
Kasama rin sa pag-uusapan ang plantsahin ang terms of reference para sa negosasyon ukol sa “preferential trade agreement” sa pagitan ng Maynila at New Delhi.
Samantala, pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang India para sa tulong nito sa iba’t ibang larangan sa panahon ng Houthi’s Red Sea attacks bilang first responders at pagkilala sa 2016 arbitral ruling na nagbasura sa pag-angkin ng Beijing sa halos kabuuang bahagi ng WPS. (Daris Jose)