BUY-BUST OPERATION NG PDEA SA LAS PIÑAS NAGRESULTA SA PAGKAKAHULI NG KALAHATING KILO NG SHABU, 3 ARESTADO
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
BUY-BUST OPERATION NG PDEA SA LAS PIÑAS NAGRESULTA SA PAGKAKAHULI NG KALAHATING KILO NG SHABU, 3 ARESTADO
ARESTADO ang tatlong indibidwal sa isinagawang buy-bust operation noong gabi ng Agosto 4, 2025, sa Brgy. Zapote, Las Piñas City, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu.
Naganap ang operasyon dakong alas 9:46 ng gabi sa kahabaan ng M. Santos Street, Santos Village III, at isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office-NCR, sa pakikipag-ugnayan sa PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit III.
Ang mga suspek na kinilala sa kanilang mga alyas na “Ed”, 57y/o, lalaki, may asawa, “Al,”, 39y/o, lalaki, binata, at “Tim,” 34y/o, lalaki, binata, ay naaresto sa aktwal na transaksyon. Nakuha sa kanilang possession ang isang heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 1 gramo, na nagsilbing subject ng buy-bust.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang itim na sling bag na naglalaman ng isang self-sealing plastic bag na may karagdagang 500 gramo ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu, na umabot sa 501 gramo.
Kabilang sa iba pang ebidensyang narekober sa pinangyarihan ay ang buy-bust money, ilang identification card, at isang mobile phone na ginamit umano sa ilegal na transaksyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang paglabag na ito, na may kinalaman sa pagbebenta o paghahatid ng mga ipinagbabawal na droga ay may parusang habambuhay na pagkakakulong hanggang kamatayan at multang aabot mula ₱500k hanggang 10M.
Ang matagumpay na operasyong ito ay isang patunay sa walang patid na pagsisikap ng PDEA sa pamumuno ni DG Isagani Nerez at ng mga katuwang nitong ahensya sa pagpigil sa pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad. Muling pinagtitibay ng mga awtoridad ang kanilang pangako sa pagtiyak na ang mga sangkot sa trafficking ng droga ay mananagot. (PAUL JOHN REYES)
