• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

1,500 PAMILYA NASUNUGAN SA HAPPYLAND, TONDO

UMABOT sa Task Force Charlie ang sunog na tumupok sa mga kabahayan sa Happyland , Aroma sa Tondo Maynila.
Sa pinakahuling update mula sa Bureau of Fire Protection, umabot sa humigit-kumulang 1,5000 ang mga pamilya na nawalan ng tirahan nang lamunin ng apoy simula alas 9 pasado ng umaga ng Miyerkules.
Upang mapabilis ang pag-apula sa sunog , nagpadala ang Office of the Civil Defense (OCD) ng tatlong helicopter o heli bucket na ayon kay Manila Mayor Isko-Moreno Domagoso ay nanggaling pa ng probinsya.
Personal namang nagtungo sa sunog at ipinag-utos na ni Manila Mayor Isko sa Department of Social Welfare Development (MDSWD) partikular kay Director Jay De La Fuente na ibigay ang anumang mga pangangailangan ng mga residenteng apektado ng sunog.
Ayon kay De La Fuente, apat na evacuation center ang kanilang gagamitin bilang pansamantalang matutuluyan ng mga nasunugan sa Brgy.105.
Habang inaapula ang sunog, bigla namang bumuhos ang malakas na ulan na malaking tulong para sa mga bumbero na maapula ang sunog.
Ang mga bahay ay gawa sa light materials na karamihan ay barung-barong kung saan may mga kalakal o junck shop na lalong nagpalala sa paglaki ng sunog dahil sa mga kalakal na madaling kainin ng apoy.
Katuwang din ng BFP ang MDRRMO, MPD, Manila Health Department (MHD) at MDSWD at Philippine Red Cross .
Samantala, isang bumbero naman ang iniulat na sugatan habang sinisikap na apulahin ang malaking sunog. (Gene Adsuara)