No. 3 most wanted ng NCRPO, nalambat sa Caloocan
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
ISANG lalaki na nakatala bilang No. 3 sa top ten most wanted person ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa kasong panghahalay ang nalambat ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City.Hindi na nakapalag ang 32-anyos na si alyas “Boy” nang arestuhin ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio sa kanyang pinagtaguang bahay sa Brgy. 176 Bagong Silang dakong alas-10 ng gabi.
Bitbit nina P/Lt. Col. June Guinayen, OIC ng District Special Operations Unit (DSOU) ang warrant of arrest na inilabas ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 131, para sa kanyang paglabag sa dalawang bilang na kasong panggagahasa at isang bilang na kasong sexual assault.
Ayon kay NPD Public Information Office (PIO) head P/Lt. Gladys Kristine Co, walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa dalawang bilang na kasong rape habang naglaan ng P120,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya sa kasong sexsual assault.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa District Custodial Facility ng NPD habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). (Richard Mesa)