Leptos, pneumonia patients dagsa sa ER ng PGH
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
UMAAPELA ang Philippine General Hospital (PGH) sa publiko na sa ibang ospital na lamang muna dalhin ang mga pasyente bunsod ng pagtaas ng mga dinadalang pasyenteng may leptospirosis at pneumonia.Hinihikayat ng PGH ang mga pasyente na maghanap muna ng ibang ospital na maaaring magbigay ng agarang serbisyo sa inyo.
Batay sa ulat, umabot sa 400% ang mga pasyenteng dinala sa ER ng nabanggit na pampublikong pagamutan, na ang kapasidad ay nasa 75 katao lamang.
Kaugnay nito, siniguro naman ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na handang tumulong sa PGH ang mga DOH-run hospitals at mga ospital ng Government-Owned or Controlled Corporation (GOCC) sa National Capital Region.
Sinabi naman ni Herbosa na bukas at handa ang mga DOH hospital pati na rin ang apat na GOCC hospitals na tanggapin ang mga pasyenteng hindi muna matatanggap sa UP-PGH dahil sa panandaliang pagkapuno ng ER nito.