• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:38 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, nanawagan para sa wastong paghihiwalay, pagtatapon ng basura

HINIMOK ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang mga residente na makibahagi sa wastong paghihiwalay at pagtatapon ng basura para mapanatili ang kalinisan sa komunidad matapos makakolekta ng mahigit 6,000 metro kubiko ng basura mula sa iba’t ibang lugar lungsod makaraan ang sunod-sunod na pag-ulan na dala ng bagyo.
“MalabueƱos, nitong nakaraang bagyo at pagbabaha sa lungsod, nasiguro po natin na hindi tayo nagkaroon ng malaking problema sa basura. Agad po tayong nagpadala ng mga tauhan para isagawa ang paglilinis sa mga pangunahing kalsada at daanan ng tubig tuwing tumitigil ang ulan at humuhupa ang baha. Ito ay upang maiwasan ang pagtaas ng tubig sa mga daanan at kabahayan. Ngunit ang mga basurang nakolekta ay paalala na dapat tayong maging responsable pagdating sa kalinisan. Magtapon ng basura sa tamang lagayan at makibahagi sa mga programa para sa kapakanan ng kapaligiran,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Sa ulat ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), agad silang nagsagawa ng clean-up operations sa mga kalsada at daluyan ng tubig sa iba’t ibang barangay mula Hulyo 21 hanggang 27, nang humupa ang tubig-baha.
Ang mga nakolektang basura ay binubuo ng mga plastic sachet, styrofoam, kahoy, at iba pang mga itinapon na materyales. Nakakolekta din ang Automatic Trash Rake ng lungsod sa Letre, Barangay Tonsuya, ng 281 sako ng basura mula sa daluyan ng tubig sa lugar.
Binigyang-diin ni CENRO Chief Mr. Mark Mesina na dahil sa mabilisang pagsasagawa ng mga clean-up drive ng pamahalaang lungsod, napigilan nila ang pagtatambak ng mga basura sa mga sulok ng kalye at iba pang kritikal na lugar.
Nitong Sabado, inilapit ng pamahalaang lungsod ang Key Mobile Jeannie Services nito sa Malabon National High School para sa iba’t ibang serbisyo sa paglilinis, kaligtasan, kalusugan, paglalaba at paliligo sa mga residente.
Ipinakalat din ng lungsod ang Mobile Power Washer, Water Tanker, at firetruck mula sa BFP para sa flushing operations sa lugar, Dampalit Elementary School, sa Barangay Hulong Duhat, at iba pang natukoy na mga lugar sa lungsod.
Kinilala rin ni Mesina ang mahalagang papel ng mga barangay bilang mga unang tumugon sa pagpapanatili ng kalinisan sa kani-kanilang lugar.
Tiniyak niya sa mga residente na hindi pinapabayaan ng pamahalaang lungsod ang mga responsibilidad nito at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga barangay upang palakasin ang mga pagsisikap sa pamamahala ng basura sa Malabon.
Samantala, ibinahagi ni City Adminstrator Dr. Alexander Rosete na tinitiyak ng pamahalaang lungsod ang regular clean up drives araw-araw para sa kaligtasan at kapakanan ng mga residente. (Richard Mesa)