DA, inirekomenda ang pagtaas ng taripa sa imported rice, pinahinto ang importasyon—PCO
- Published on August 5, 2025
- by @peoplesbalita
ANG PAGTAAS sa taripa sa imported rice ay kabilang sa mga usapin na tatalakayin sa sidelines ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang state visit sa India.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, araw ng Lunes.
“The Department of Agriculture is recommending an increase in tariff on imported rice,” ang sinabi pa ni Gomez.
Ipinanukala rin ng ahensiya ang pansamantalang pagpapatigil sa lahat ng importasyon para protektahan ang mga lokal na magsasaka.
Ani Gomez, ang lahat ng detalye ay pag-uusapan pa rin at pagkakasunduan.
Napaulat na sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hangda niya ang ‘gradual return’ ng rice import tariff rate mula sa kasalukuyang 15% sa 35%, dahil ang biglaang pagtaas ay maaaring magpahina sa pagsisikap na ibaba ang presyo ng produkto.
Tinukoy ni Tiu Laurel ang kanyang testimonya sa House of Representatives’ Murang Pagkain Super Committee hearing, inirekomenda nito sa Tariff Commission na ang mga pagtaas sa hinaharap sa rice import duty ay dapat na “strategically timed to minimize its impact on both local and global markets.”
“Our suggestion is a gradual increase…eventually returning to the 35% duty,” ang sinabi ni Tiu Laurel. Sa kabilang dako, nagbabala naman si Tiu Laurel na ang biglaang 20-percentage-point hike ay maaaring makasira sa rice market at mapahina ang pagsisikap ng gobyerno na patatagin ang presyo simula pa noong nakaraang taon.
“A sudden increase could shock not only the local market but also ripple across the global rice trade,” aniya pa rin.
Winika pa ni Tiu Laurel na ang Pilipinas, bilang isa sa major rice importers ng buong mundo, may mahalagang papel sa global rice pricing dahil sa demand-supply nito at maging sa regulatory dynamics.
Matatandaang inaprubahan ni Marcos na bawasan ang taripa ng imported na bigas na ginawang 15% mula sa dating 35% sa pamamagitan ng Executive Order 62 na nilagdaan noong Hunyo 2024.
Layunin nito na bawasan ang presyo ng bigas sa merkado ng hanggang P7 per kilo. ( Daris Jose)