• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PANININDIGAN NI DND SECRETARY SA WEST PHILIPPINE SEA, SUPORTAHAN – GOITIA 

MAY prinsipyo at tumindig lamang para ipaglaban  ang bansa ang Department of  National Defense  matapos umalma ang Chinese Embassy sa kanyang pahayag hinggil sa West Philippine Sea (WPS).
Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, kilalang tagapagtanggol ng soberenya ng Pilipinas, malinaw ang mga salitang binitiwan na may paninindigan si Secretary Gilberto C.  Teodoro Jr.  at  walang  dapat ikahiya kapag ipinaglalaban ang bayan .
“Hindi ito pambabastos. Hindi ito pagyayabang. Ito ay simpleng pagtatanggol sa karapatan natin bilang isang Pilipino, ” ani Goitia.
Bunsod ito sa reaksyon ng Chinese Embassy sa naging tugon ni Secretary Teodoro kaugnay sa WPS.
“Kapag may nagsalita nang direkta at makatotohanan, tinatawag agad nilang ‘destabilizing’ pero sa totoo lang, iyon ang kailangan natin, yung mga lider na hindi takot magsabi ng totoo,” ayon pa kay Goitia.
Pinuri niya ang pagiging prangka ni Sec. Teodoro na nagsabing hindi Amerika ang dahilan ng tensyon sa karagatan kundi ang mismong agresyon ng Tsina.
“At ngayon na may opisyal na matapang na nagsalita para sa atin, aatras pa ba tayo? Hindi na pwede. Suportahan natin ang katotohanan. Suportahan natin ang Pilipinas. Suporthan natin ang kinabukasan ng mga Pilipino,” diin niya.
Pero hindi lang pagtindig ang punto ni Goitia, may dalang solusyon din siya.
“My 4 cents suggestion on the WPS: balikan natin ang December 1987 Manila Declaration ng Association of Southeast  Asian Nations (ASEAN), lalo na ang ZOPFAN o ‘Zone of Peace, Freedom and Neutrality’ sa West Philippine Sea,” pahayag niya.
“Hindi tayo aasenso kung laging may veto power ang China sa United Nations  Security Council. Kailangan ng sama-samang hakbang ng ASEAN para baguhin ang sistema.”
Para kay Goitia, ang laban sa West Philippine Sea ay hindi lang laban ng gobyerno, kundi ng bawat Pilipino. Hindi ito dapat pulitika lang. Buhay at kabuhayan ang nakataya.
Ang panawagan ni Goitia ay simple: huwag matakot tumindig, huwag ikahiya ang pagiging makabayan.
“Wala tayong ginagawang masama. Ang mali ay ‘yung tahimik na pumapayag. At hindi na tayo dapat maging ganun,” ani Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (Gene Adsuara)