• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:31 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PAHAYAG NI LTO CHIEF, ASSISTANT SECRETARY ATTY. VIGOR D. MENDOZA II SA IKA-4 NA SONA NI PBBM

KAMI sa Land Transportation Office (LTO) ay lubos na nagagalak na kinilala ng ating Mahal na Pangulo, Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang aming pagsusumikap na tuldukan ang labing-isang taong backlog ng mga plaka ng sasakyan sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Sa aming pagpupulong noong nakaraang taon, nakita ko mismo ang determinasyon ng Pangulo na resolbahin ang problemang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang buong suporta upang mapabilis ang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga plaka.
Ang ipinakita niyang suporta ang naging dahilan kung bakit ako naglakas-loob na mangako na sa tulong at gabay ng Pangulo, matatapos natin ang backlog sa unang kalahati ng 2025.
Noong huling araw ng Hunyo 2025, tinupad namin sa LTO ang pangakong ito sa bayan nang maimprenta na ang huling batch ng mga natitirang plaka.
Sa ngayon, nakatutok kami sa agarang pamamahagi ng mga plaka sa kanilang mga may-ari, kabilang na rito ang paggamit ng online platform na LTO Tracker, na may opsyon para sa door-to-door delivery.
Kaugnay naman ng direktiba ng Pangulo na tiyakin ang mabilis na paglalabas ng mga plaka at maging ng OR/CR, inilunsad natin kamakailan ang Plate Registration Management Information System o PRMIS.
Sa pamamagitan ng PRMIS, winakasan na natin ang higit animnapung taon ng pahirap sa mga Pilipinong motorista na ilang linggo o buwan naghihintay bago makuha ang kanilang mga dokumento sa rehistro at plaka, alinsunod sa utos ng Pangulo na isailalim sa digital platform ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan.
Napakalaki na ng ipinagbago ng inyong LTO sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Marcos: mabilis na ang release ng mga dokumento, matapang at mabilis na ang aksyon laban sa mga kamote sa kalsada at lahat may plaka na.
Lahat ng ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng inyong LTO sa ilalim ng patnubay at pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Ngunit hindi ito magiging posible kung wala ang buong suporta ni Pangulong Marcos, na nagsilbing inspirasyon at motibasyon namin sa LTO upang ibigay ang aming buong kakayahan para sa tunay na serbisyo sa sambayanang Pilipino. (PAUL JOHN REYES)