• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:34 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, binalaan ang mga trader na magtatangkang magmanipula sa presyo ng palay o bigas  

BINALAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga trader na magtatangkang magmanipula ng presyo ng palay o ng bigas, o manloloko ng mga magsasaka.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State Of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, “Hahabulin namin kayo, dahil ang trato namin sa inyong ginagawa ay tinuturing naming economic sabotage.”

Napatunayan na kasi ng gobyerno na kaya nito na magbenta ng P20.00 sa bawat kilo ng bigas, nang hindi malulugi ang mga magsasaka.

Sa katunayan, kamakailan lamang aniya ay matagumpay na nailunsad ang pagbebenta ng P20.00 sa bawat kilo ng bigas sa Luzon, Visayas at Mindanao kagaya sa San Juan, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, sa Cebu, sa Bacolod, sa Guimaras, Siquijor, at Davao Del Sur.

At dahil aniya sa ilalaan na isandaan at labintatlong bilyong piso upang palakasin ang mga programa ng DA, ilulunsad ng gobyerno sa buong bansa sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA store at center sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Sa kabilang dako, bilang pangunahing solusyon sa mataas na presyo ng baboy, pinalalakas ng pamahalaan ang lokal na produksyon.

“Namimigay tayo ng mga biik at inahin. Nagpapatayo rin tayo ng mga biosecured facilities,” ang sinabi ng Pangulo.

At upang lubos na pababain ang presyo ng karne, nagsimula nang magbakuna laban sa ASF, at palalawigin pa aniya ng gobyerno ng pagbabakuna sa lahat.

“Pinataas natin ang produksyon ng palay, mais, pinya, saging, mangga, kape, cacao, calamansi, tubo, sibuyas, bawang, at iba pang mga agricultural products,” ani Pangulong Marcos.

Ibinida ng Pangulo na mula nagsimula ang kanyang administrasyon, mahigit walo at kalahating milyong magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng tulong.

“Lalo pa natin paiigtingin ang mga programa ng pamahalaan para mas marami pa ang matutulungan,” ang sinabi ng Pangulo.

Libo-libong kilometro aniya ng farm-to-market road na ang ginawa na, at libo-libong kilometro pa ang pinapasinayaan. Libo-libong ektarya ng lupa ay nalagyan na ng patubig sa buong bansa. At libo-libong ektarya pa ang patutubigan.

“Libo-libo ring makinarya at pasilidad ang ating binuksan at pinamigay para sa mga magsasaka at mangingisda. Marami po tayong ipapatayo na Rice Processing System. Itong mga pasilidad at mga bangkang yari sa fiberglass na ipapamigay naman sa mga mangingisda,” ang sinabi ng Pangulo.

“Lahat ng ito ay sumusuporta sa kanila mula paghahanda, sa pagpunla, pag-ani, pagbiyahe, hanggang sa pagbenta,” aniya pa rin. (Daris Jose)