Problema sa enerhiya, inamin ni PBBM
- Published on July 29, 2025
- by @peoplesbalita
INAMIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mayroon pa rin mga problema sa enerhiya na damang-dama ng bawat Pilipino.
Ito’y sa kabila ng dumarami ang mga planta ng kuryente sa buong bansa lalo na ang mga bagong teknolohiya at malinis na enerhiya, tulad ng solar, windmill, natural gas.
Sa katunayan ayon may Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, may tatlong milyong kabahayan ang wala pang kuryente; nakararanas ng palagiang brownout att ang mataas na presyo ng kuryente.
Kaya nga aniya binibilisan ng pamahalaan na mabigyan ng koneksyon at pinapalakas pa lalo ang kakayahan na ginagawa ng kuryente.
“Pagpasok ng Administrasyong ito, mahigit limang milyon ang mga bahay na wala pang kuryente. Sa loob ng tatlong taon, dalawa at kalahating milyong kabahayan ang ating nakabitan na, na may kuryente na sila,” ayon sa Pangulo.
“Sa susunod na tatlong taon, halos dalawandaang planta ang ating tatapusin. Ito ay may kakayahang magpailaw sa apat na milyong kabahayan, o sa mahigit na dalawang libong pabrika, o sa halos pitong libong tanggapan at negosyo,” aniya pa rin.
Tiniyak ng Pangulo na hahabulin at tutuparin ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) ang nakatakdang dami ng mga kabahayang makakabitan ng kuryente ngayong taon hanggang 2028. Lalo na aniya sa Quezon, sa Camarines Norte, sa Palawan, sa Masbate, sa Samar, sa Negros Occidental, sa Zamboanga del Sur.
At sa pagtatapos aniya ng 2028, dagdag na mahigit isang milyong kabahayan pa ang magkakaroon na rin ng kuryente, sa pamamagitan ng solar power home system.
At para lalo pa aniyang makatipid ang mga mga mamamayan at maipagbili ang anumang sobrang kuryente nila, isusulong na ng Department of Energy ang Net Metering Program, at pabibilisin din ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang proseso ng pag-apruba nito.
“Habang inaayos natin ang kumplikado nating sistema ng enerhiya sa bansa upang maipababa ang presyo, pinapalawig pa natin ang Lifeline Rate. Bukod sa mga miyembro ng 4Ps, kasama na rin ngayon ang mga pamilyang nasa Listahanan na maliit lamang ang kinikita, at ang konsumo naman ay hindi lumalagpas sa “lifeline rate”.” ayon sa Pangulo.
“Hindi ko palalampasin ang nangyari kamakailan sa Siquijor.
Dahil sa malawakang brownout, napilitan pang magdeklara ng state of calamity sa lalawigan. Naperwisyo nito ang mga taga-roon, ang kanilang turismo, kanilang negosyo, ospital, at sari-saring serbisyo.
Sa ginawa nating imbestigasyon, ano ‘yung ating natuklasan?
Mga expired na permit. Mga sirang generator, na halatang napabayaan, kaya sunud-sunod na bumibigay. Mabagal na aksyon, at kawalan nang maayos na sistema nang pagbili ng krudo at ng mga piyesa,” litanya ng Pangulo.
Titiyakin aniya ng gobyerno na maitatag agad ang mga pasilidad para sa pangmatagalang lunas sa kanilang problema sa kuryente.
“Hindi na dapat ito maulit muli,” diing pahayag ng Pangulo.
“limbestigahan ang naging kapabayaan dito, at ang iba pang mga katulad na kaso sa buong bansa. Dapat nilang ayusin ang pamamahala ng mga kumpanya ng kuryente, at ipag-utos ang pag-refund kung kinakailangan,” aniya pa rin. (Daris Jose)