Pinasaringan sa ika-apat na SONA ang mga opisyal ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo… “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino” – PBBM “MAHIYA naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”
- Published on July 29, 2025
- by @peoplesbalita
Ito ang ipinamukha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo na nakalaan para sa infrastructure projects, gaya ng flood control projects.
Tiniyak ni Pangulong Marcos sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, na papanagutin niya sa batas ang mga ito.
‘Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Ikinuwento pa ng Pangulo ang kamakailan lamang aniya ay nag-inspeksyon siya ng naging epekto ng Habagat, ng Bagyong Crising, Dante, at Emong kung saan aniya ay kitang-kita niya na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho, at ‘yung iba guni-guni lang.
“Wag na po tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipag-sabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” ang sinabi ng Pangulo.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa baha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
At para aniya hindi na maulit ito, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) aniya ay agad na magsusumite sa kanya ng listahan ng lahat ng flood control projects mula sa bawat rehiyon na nagsimula o natapos na dsa nakalipas na tatlong taon.
Susuriin aniyang mabuti ng regional project monitoring committee ang listahan ng mga proyekto at bigyan ng report ang mga nabigo, hindi natapos at iyong sinasabing ghost projects.
“We will publish this list. Isasapubliko natin ang listahang ito. Kaya ang publiko na saksi sa mga proyektong ito ay malayang suriin ang listahan at magbahagi ng kanilang nalalaman para makatulong sa ating imbestigasyon,” ayon sa Pangulo.
Magkakaroon aniya ng ‘audit at performance review’ kaugnay sa mga nasabing proyekto upang i-check, at tiyakin at malaman kung paano ang pera ay nagasta.
Tiniyak ng Pangulo na sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon pati na ang mga kasabwat na mga kontratista sa bansa.
Kailangan aniyang malaman ng taumbayan ang buong katotohanan.
Kailangan pa ring may maging managot sa naging pinsala at katiwalian.
“Therefore, for the 2026 national budget, I will return any proposed general appropriations bill that is not fully aligned with the national expenditure program,” ayon sa Chief Executive.
“And further, I am willing to do this even if we end up with a reenacted budget,” dagdag na wika nito.
Samantala, siniguro ng Pangulo na hindi niya aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa samabayanang Pilipino. (Daris Jose)