Sa tatlong huling tatlong taon sa panunungkulan: PBBM, ibubuhos ang lahat-lahat
- Published on July 29, 2025
- by @peoplesbalita
NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taumbayan na sa huling tatlong taon ng kanyang administrasyon ay ibubuhos niya ang lahat-lahat. Hindi lamang upang mapantayan, kundi mahigitan pa ang pagbibigay-ginhawa sa mga Filipino.
Kaya nga ang panawagan ng Pangulo sa taumbayan ay isantabi ang pagkakaiba, at magkasundo na sa tatlong bagay na nagbibigkis sa lahat.
Sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, sinabi ng Pangulo na sa pagiging Pilipino, kailangan ang pagiging makabansa, at ang sinumpaang tungkulin sa taumbayan.
Sinabi pa ng Pangulo na makasaysayan ang katatapos na halalan nitong Mayo.
Kaya aniya pinaparating niya ang kanyang buong-pusong pagpupugay sa mga kababayan – lalo na sa mga kabataang botante.
“Sa ating lahat dito: Malinaw sa akin ang mensahe ng naging resulta ng halalan. Bigo at dismayado ang mga tao sa pamahalaan, lalo na sa mga pangunahing serbisyo,” ayon sa Pangulo.
Ang leksyon aniya sa lahat ay simple lamang: kailangan pa ng lahat ang mas lalong galingan. Kailangan pa aniya na mas lalong bilisan.
Kung datos lamang aniya ang pag-uusapan, maganda ang ekonomiya, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante. Bumaba ang inflation, dumami ang trabaho.
Ngunit ang lahat aniya ng mga ito ay palamuti lamang, walang saysay, kung ang mga mamamayang Filipino ay hirap pa rin at nabibigatan sa kanilang buhay.
(Daris Jose)