• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 5:51 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAGKALOOB NG ISANG BUWANG MORATORIUM SA MGA BENEPISYARYO NG PABAHAY

AGAD na naglabas ng panuntunan ang NHA para sa isang buwang moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon para sa mga benepisyaryo ng pabahay nito sa buong bansa, kasunod ng pinsalang dulot ng Habagat, at ng mga Bagyong Crising, Dante, at Emong.

Sa ilalim ng direktiba ni General Manager Joeben A. Tai, ang moratorium na nakasaad sa NHA Memorandum Circular No. 2025-141 ay awtomatikong ipatutupad sa lahat ng benepisyaryo ng pabahay ng NHA sa buong bansa. Mula Agosto 1-31, 2025, suspendido ang pagbabayad ng amortisasyon at upa. Walang ipapataw na delinquency interest o multa sa loob ng isang buwang suspensyon. Magpapatuloy ang koleksyon ng amortisasyon at upa, at ang pagdaragdag ng delinquency at iba pang interes sa Setyembre 1, 2025.

Nilalayon ng moratorium na magbigay ginhawa sa mga pamilyang naninirahan sa mga proyekto ng NHA, kung saan marami sa kanila ang nararamdaman pa ang pisikal at ekonomikong epekto ng mga bagyo. Ayon kay GM Tai, ang pansamantalang moratorium ay pagbibigay-daan sa kanila na makabangon muli mula sa pinsalang dulot ng sunod-sunod na kalamidad nang walang karagdagang pasanin ng mga obligasyon sa pagbabayad.

Nilinaw din ng NHA na ang anumang bayad na ginawa sa panahon ng moratorium ay ilalapat alinsunod sa umiiral na hierarchy ng mga pagbabayad.

Dahil sa pagmamalasakit sa mga benepisyaryo ng pabahay ng NHA, idineklara ni GM Joeben Tai ang pagpapalabas ng moratorium na ito bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng bagyo.

“Kami po sa NHA ay taos-puso ang malasakit sa aming mga housing beneficiaries. Hangad po namin na sa pamamagitan ng moratorium na ito ay makatulong kami sa inyong pamilya kahit paano,” pahayag ni GM Tai sa isang panayam.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, muling pinagtitibay ng NHA ang pangako nitong magbigay ng tunay na suporta at tulong sa mga benepisyaryo sa panahon ng kanilang matinding pangangailangan.

Ang NHA ay isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development na pinamumunuan ni Secretary Jose Ramon Aliling. (PAUL JOHN REYES)