Muling pinagtibay ang ugnayan ng Pinas at Estados Unidos… PBBM, balik-Pinas na bitbit ang $21-B investment pledges
- Published on July 24, 2025
- by @peoplesbalita
BALIK-PILIPINAS na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Miyerkules ng gabi, bitbit ang mahigit sa USD21 billion na investment pledges at binagong strategic commitments mula Estados Unidos kasunod ng isang high-level three-day official visit sa Washington, D.C.
Lumapag ang eroplanong nagsakay sa Pangulo at sa kanyang delegasyon sa Maynila ng alas-10:07 ng gabi, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Ang Pangulo, sa kanyang arrival message, nagpahayag na ang kanyang pagbisita bilang tugon sa naging imbitasyon ni US President Donald Trump, muling pinagtibay ang “breadth and depth” ng Philippines–US alliance sa aspeto ng ‘security, economic, at geopolitical cooperation.’
“We reaffirmed our mutual commitment to further strengthening our longstanding alliance and growing our economies for the benefit of the people and in pursuit of our national interest,” ayon sa Pangulo.
Sa pakikipagpulong ng Pangulo kina Trump, Secretary of State and National Security Adviser Marco Rubio, at Defense Secretary Pete Hegseth, binigyang diin ng Chief Exeuctive ang papel ng alyansa na panindigan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea at mas pinalawak na Indo-Pacific, sa gitna ng nagpapatuloy na pag-angkin at pagpupumilit ng Tsina.
“We reaffirmed our ironclad commitment to the Mutual Defense Treaty,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, tinukoy ang naging pag-uusap hinggil sa ‘cybersecurity, infrastructure resilience, at energy security.’
“I thank the United States for its consistent support for the preservation of regional peace and stability and for upholding the rule of law in the South China Sea,” aniya pa rin.
Nangako ang Estados Unidos ng USD15 million na bagong suporta para sa private sector development sa ilalim ng Luzon Economic Corridor, at USD48 million sa karagdagang foreign assistance.
Nakapulong din ng Pangulo ang mga top executives sa semiconductors, healthcare, at infrastructure, nag-uwi ng pledges na nagkakahalaga ng mahigit sa USD21 billion—investments.
Ayon sa Pangulo, makalilikha ito ng libo-libong trabaho para sa mga Filipino at makatutulong sa pagbuo ng “economic security and resilience.”
Binigyang diin naman ni Pangulong Marcos ang makatarungan at reciprocal trade bilang isang ‘cornerstone ‘ ng ugnayan sa hinaharap.
“We remain positive about the future of PH-US trade, including investment relations, especially in the context of economic security and fair, balanced, reciprocal trade,” dagdag na wika ng Pangulo.
Samanala, tinapos naman ni Pangulong Marcos ang kanyang pagbisita sa pamamagitan ng pagpapabot ng imbitasyon kay Trump na dumalo sa ASEAN Summit sa Maynila sa susunod na taon, na makakasabay naman ng 80th anniversary ng PH-US diplomatic relations at 75th anniversary ng Mutual Defense Treaty. (Daris Jose)