***
TIEZA, ipinagdiriwang ang mga partnership at kooperasyon
PINANGUNAHAN ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang kanilang kauna-unahang “2025 TIEZA-TEZMS Partners and Stakeholders Appreciation Night: Champions of Sustainable Tourism” noong Hulyo 21, 2025 sa Manila Hotel.
Layunin ng event na kilalanin ang matibay na ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor sa pagsusulong ng sustainable tourism sa bansa.
Dumalo ang halos 200 panauhing tagapagtangkilik mula sa TIEZA Registered Business Enterprises (RBEs), ahensiya ng gobyerno, LGUs, at tourism stakeholders upang gunitain ang mga tagumpay at pagtutulungan.
Binuksan ang programa ni TIEZA Chief Operating Officer Mark T. Lapid sa pamamagitan ng isang mensahe ng pasasalamat at pagkilala sa mga katuwang na organisasyon. Binigyang-diin niya ang lumalawak na papel ng TIEZA bilang Infrastructure and Investment arm ng Department of Tourism.
“Ipinagmamalaki naming iulat na umabot na sa ₱225.7 bilyon ang kabuuang nakuhang investment commitments, at 131,805 ang inaasahang malilikha nitong trabaho. Patunay ito ng tumataas na tiwala ng mga mamumuhunan sa sektor ng turismo sa Pilipinas,” ayon pa kay COO Lapid.
Tampok sa gabi ang paggawad ng Plaque of Appreciation sa mga RBE sa ilalim ng Tourism Enterprise Zone Management Sector (TEZMS), kabilang ang Alphaland Balesin, Bravo Hotel, Enchanted Kingdom, Global-Estate Resorts, at iba pa. Pinarangalan din ang mga katuwang na institusyon tulad ng LGU ng San Vicente, Palawan; Department of National Defense; at Provincial Government of Bataan.
Pinasalamatan din ng TIEZA ang mga katuwang sa regulatory, technical, at digital support gaya ng Silay City Government, FIRB, InterCommerce Network Services, at DENR-EMB Regions IVA at V.
Kasama rin sa mga highlight ng gabi ang Ceremonial Signing ng MOA sa Bureau of Immigration at Zamboanga City Special Economic Zone Authority at ang Registration Agreement ng Puerto Princesa para sa Sta. Lucia Tourism Enterprise Zone.
Nagbigay rin ng mga video testimonial ang RBEs at partner agencies bilang patunay ng kanilang epekto at inobasyon sa tourism zones.
Sa kanyang closing remarks, binigyang-diin ni Assistant COO Karen Sarinas-Baydo ang pangako ng TIEZA na magpatuloy sa pagsusulong ng sustainable tourism:
“Ang gabing ito ay higit pa sa selebrasyon. Ito ay pagpapatunay na kaya nating makamit ang progreso kung tayo ay nagtutulungan. Naninindigan ang TIEZA bilang Investment Promotion Agency para sa turismo — upang ang kaunlaran ay maging makabuluhan para sa lahat.”
Inilunsad din ang RBE Performance Awards na opisyal na ipatutupad sa susunod na taon — bilang pagkilala sa mga RBE na nagsusulong ng inclusive employment, community programs, at environmental sustainability.
Sa patuloy nitong pakikipag-ugnayan, nananatiling nakatutok ang TIEZA sa layunin nitong maghatid ng sustainable tourism na kapaki-pakinabang hindi lamang sa mga mamumuhunan kundi sa mga komunidad at kalikasang bumubuo sa karanasang Pilipino.
(ROHN ROMULO)