• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagsuspinde sa SONA dahil sa masungit na panahon, depende sa Kongreso- OCD

SINABI ni Office of Civil Defense (OCD) officer-in-charge Raffy Alejandro na nakadepende sa Kongreso ang mga ‘contingency measures’ kung magkakaroon ng masamang panahon na matataon sa pang-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa susunod na linggo.

Ang fourth SONA ng Pangulo ay nakatakda sa July 28 sa Batasang Pambansa compound sa Quezon City.

”Of course, we will depend on the protocol ng Congress po if they will suspend iyong SONA. But kami po… we are closely coordinating with the PNP po na magkaroon tayo ng orderly conduct ng flow ng mga pupunta sa SONA,” ayon kay Alejandro.

”So, kami po, ang mga areas na surrounding Congress ay hinahanda pa rin natin in case na magkaroon ng hindi magandang weather. So, in the event po na—or magkaroon ng suspension ng work or classes, tuluy-tuloy pa rin naman ang ating mga emergency responders na naka-standby in case na kailangan ng assistance during the SONA po,” dagdag na wika nito.

Ilang araw bago pa ang SONA, may ilang bahagi na ng bansa ang nakaranas ng malakas na pagbuhos ng ulan matapos na lumabas at iwan ng tropical cyclone Crising (international name: Wipha) ang Philippine Area of Responsibility nito lamang weekend.

Ang klase at trabaho sa gobyerno ay sinuspinde ng hanggang araw ng Miyerkules sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Luzon at Visayas dahil sa matinding epekto ng Southwest Monsoon (Habagat).

Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos na suspendihin ang pre-SONA preparations at inatasan ang mga tanggapan ng gobyerno na ituon ang pansin at tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng masamang panahon.

(Daris Jose)