‘Emong’ at ‘Dante’: Dalawang bagyo na ang nasa PAR
- Published on July 24, 2025
- by @peoplesbalita
MAGKAKASABAY na pagsama ng panahon ang umiiral at binabantayan ng PAGASA.
May dalawang tropical cyclone ang nasa loob ng Philippine area of responsibility na magpapaigting sa southwest monsoon or habagat. Ito habang may isa pang low pressure area na maaaring maging susunod na tropical depression.
Ayon sa ulat ng PAGASA Miyerkules ng umaga, Hulyo 23, parehong lumakas bandang alas-8 ng umaga ang mga weather system: ang LPA sa hilagang Luzon ay naging Tropical Depression “Emong,” habang ang dating tropical depression na si “Dante” ay umangat na sa tropical storm category.
Si Emong ay huling namataan 105 kilometro hilagang-kanluran ng Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 kph at bugso na 55 kph, habang kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 35 kph.
Samantala, si Dante ay nananatili sa 880 kilometro silangan ng dulong hilaga ng Luzon. May lakas ito ng hangin na 65 kph at bugso na 80 kph, at kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
Bukod sa dalawang bagyo, may isa pang LPA na binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility — nasa layong 2,340 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Ayon sa PAGASA, mataas ang tsansang maging tropical depression ito sa loob ng 24 oras.
Ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina, kung sakaling lumakas ang LPA, posibleng tumagal pa ang epekto ng habagat sa Luzon at Visayas. Ngunit sa ngayon, mababa ang posibilidad na tumama ito sa lupa dahil sa hilagang direksyon ng galaw nito.
Ilang probinsya, lungsod at bayan na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa pinsala ng dating bagyo at matinding pagbaha. Sa mahigit 30 probinsya, sinuspinde rin ang klase at trabaho sa gobyerno nitong mga nakaraang araw.
Gayunman, ayon sa PAGASA, ang pangunahing dahilan ng malawakang pagbaha sa bansa ay ang tuloy-tuloy na buhos ng ulan mula sa southwest monsoon o habagat sa nagdaang linggo.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na bantayan ang kanilang mga opisyal na channel para sa pinakabagong update tungkol sa tropical cyclones, wind signals at heavy rainfall warnings. (Daris Jose)