Malabon, isinailalim sa ‘State of Calamity’
- Published on July 24, 2025
- by @peoplesbalita
ISINAILALIM sa State of Calamity ang Lungsod ng Malabon upang matiyak ang epektibo at napapanahong paggamit ng mga pondo para sa kaligtasan ng mga Malabueño sa gitna ng malakas na buhos ng ulan at pagbaha dulot ng Habagat na sinamahan ng high tide na epekto ng nasirang Malabon-Navotas River Navigational Gate.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod, ang deklarasyon ng state of calamity ay pinasimulan ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pamamagitan ng Resolution No. 3, Series of 2025.
Opisyal itong idineklara sa pamamagitan ng Sangguniang Panlungsod Resolution A17-2025, na nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval at mga Konsehal ng Lungsod, na nagbigay-daan sa pamahalaang lungsod na maglaan ng tatlumpung porsyento (30%) ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) nito para sa CY 2025 bilang Quick Response Fund (QRF) na nagkakahalaga ng ₱44,058,886.19) para sa disaster management efforts.
Ito’y magbibigay-daan sa lungsod na makapaghatid ng maayos na emergency assistance at rehabilitation measures bilang tugon sa pagbaha na dulot ng Habagat, high tide, at pinsala ng inaayos na Malabon-Navotas River Navigational Gate.
Susuportahan ng pondo ang emergency response, rescue, relief, at recovery operations, lalo na para sa mga residenteng inilikas at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Ang deklarasyon ay sumusunod sa mga alituntunin na itinakda sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Memorandum Order No. 60, Series of 2019, na nagsasaad ng mga pamamaraan para sa pagdedeklara ng state of calamity sa isang lungsod o lalawigan.
“Itong hakbang na ito ay para masiguro na lahat ng kakailanganin ng ating mga kababayan sa panahon ng sakuna sa pamamagitan ng pag-activate ng ating Quick Response Fund na gagamitin sa ating mga disaster response operations. Kasabay nito, ang ating mga kagamitan, rescue boats, mobile service vehicles, pumping stations ay nakahanda rin para sa pagbibigay ng serbisyo ngayong masama ang panahon. Mag-iingat po tayong lahat,” ani Mayor Jeannie.
Hanggang alas-8 ng Martes ng gabi, may 897 pamilya o 3,336 indibidwals ang pansamantalang nasa 24 na evacuation center sa lungsod kung saan personal sila binisita Mayor Jeannie upang tingnan ang kanilang kalagayan at maghatid relief goods, at iba pang mahahalagang gamit.
Ipinakalat din ng lungsod ang Key Mobile Jeannie Services nito sa mga evacuation center para magbigay ng on-site na suporta at tulong sa mga evacuees habang muling nanawagan si City Administrator Dr. Alexander Rosete para sa kooperasyon ng Malabueños upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Ipinaalala din niya sa publiko na gamitin ang All Hazards One Network 24/7 Alert Application para mag-ulat ng mga insidente at sa paghingi ng tulong sa pamahalaang lungsod. (Richard Mesa)