Mister na hindi nakita ang misis, kalaboso sa baril at pagbabanta
- Published on July 24, 2025
- by @peoplesbalita
SHOOT sa selda ang isang mister matapos pagbantaan ang tatlong katao, kabilang ang isang babae habang armado ng baril nang hindi niya makita ang hinahanap na asawa sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth, mahaharap ang 51-anyos na suspek na si alyas “Boy” sa kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition).
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon nang sumugod ang suspek sa loob ng isang construction site sa Brgy., 173, na armado ng baril at hinahanap ang kanyang asawa.
Naabutan ng suspek ang dalawang lalaking biktima at matapos ang kanilang palitan ng mga salita ay umalis si alyas Boy subalit, dalawang beses itong bumalik at nagbabanta.
Nang pangatlong pagbalik ng suspek bandang alas-4 ng hapon, kinompronta niya ang isang babaeng vendor at pinagbantaang “Basta malaman kong kasabwat kayo ng asawa ko, papatayin ko kayong lahat” bago umalis.
Sa pangamba sa kanilang buhay, humingi ng tulong ang mga biktima sa mga barangay opisyal at pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa kanya ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub Station 9 ang isang kalibre .22 Astra Unceta pistol na may isang magazine na kargado ng limang bala at isang extreme pepper spray.
Pinuri ni Police Brigadier General Jerry V Protacio, Acting District Director ng Northern Police District, ang operating team sa kanilang mabilis na pagtugon para masiguro ang kaligtasan ng mga biktima at matagumpay na madakip ang armadong suspek. (Richard Mesa)