• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kamara handang i-welcome si VP Sara sa SONA kung sakaling dadalo

HANDA ang Kamara na i-welcome si Vice President Sara Duterte kung sakaling magbago ang desisyon nito at dumalo sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa July 28, sa kabila na nagsabi na itong hindi siya dadalo.

Sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante na nananatiling bukas ang Kamara sa lahat ng government officials, kabilang na ang Vice President, at iginiit ang importansiya ng kanyang papel sa pagsaksi sa taunang ulat sa Kongreso at bayan ng Pangulo.

“Ready naman po ang House of Representatives to welcome all officials of the government to attend the SONA. Especially bilang isang Vice President, dapat din kasama sa kanyang tungkulin na makinig sa magiging report ng ating Presidente. The House of Representatives is ready to welcome her to attend and listen to the report of the President,” ani Abante.

Ang pahayag nito ay kasunod na rin sa kumpirmasyon ni House Secretary General Reginald Velasco noong nakalipas na linggo na nagpadala ng liham ang Office of the Vice President (OVP) nang hindi pagdalo ni Duterte sa SONA ni Marcos sa ikalawang pagkakataon.

Sa kabila nito, sinabi ni Velasco na magpapatuloy pa rin ang preparasyon kabilang na ang paglalaan ng designated seat sa VIP gallery at holding room para sa Vice President at kanyang staff kung sakaling nagbago ang kanyang desisyon.

Walang ibinigay na dahilan ang OVP sa hindi niya pagdalo, ngunit sinabi ni Velasco na ang lahat ng ibapang inimbitahang government officials ay nagkumpirma sa kanilang attendance.

(Vina de Guzman)