• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Halos P.1M droga, nasamsam sa 3 tulak sa Malabon

UMABOT sa halos P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos matimbog ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.

          Ayon kay Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig, sa koordinasyon sa PDEA, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation laban sa magkapitbahay na tulak na sina alyas “Aries”, 28, at alyas “Jerome”, 26, tricycle driver at kapwa ng Brgy. Tañong.

          Dakong alas-11:30 ng gabi nang makipagtransaksyon umano ang mga suspek sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa kanto ng Sacristia at Matahong Streets, Brgy. San Agustin, na nagresulta sa kanila.

          Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600 at buy bust money.

          Nauna rito, nasakote naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa kanto ng Pasco at Mesina Streets, Brgy. Tonsuya si alyas “Bob”, 51, matapos bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer alas-2:30 ng madaling araw.

          Nasamsam sa kanya ang nasa 6.7 gramo ng umano’y shabu na may standard drug price value na P45,560 at buy bust money.

          Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangrous Drug Act of 2002.

          Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio ang mga operatiba ng Malabon police sa kanilang pagsisikap sa paglaban sa illegal na droga. (Richard Mesa)