• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ilang lugar, lubog sa baha… Afternoon classes sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, kanselado

DAHIL sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Habagat, lumubog sa tubig baha ang ilang lugar sa mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA).

Dahil dito, nagsuspende ng afternoon classes, Lunes, July 21, ang Local Government Unit (LGUs) ng CAMANAVA para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

          Sa Caloocan, inirekomendas ng City Disaster Risk Reduction Management Department (CDRRMD) na kanselahin ang panghapon na mga pasok sa eskuwela sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod ngayong.

Tiniyak naman ni Mayor Along Malapitan na ligtas na makakauwi ang mga mag-aaral at para aniya sa oras ng emergency, 24/7 handang tumugon ang Alert and Monitoring Operations Center at tumawag lamang sa (02) 888-25664 o 0908-81-25664.

Suspendido din ang face-to-face afternoon classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod ng Malabon kaya pansamatalang ipapatupad ang Alternative Delivery Mode sa mga paaralan.

Pinayuhan naman ni Mayor Jeannie Sandoval ang lahat na manatiling nakatutok sa mga mahahalagang impormasyon o anunsiyo ukol sa lagay ng panahon, maging alerto sa anumang oras at mag-ingat ang lahat para sa kaligtasan habang patuloy naman sa pag-iikot ang libreng sakay ng pamahalaang lungsod para matulungan ang stranded na commuters.

          Inirekomenda din ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Schools Division Office-Navotas ang pagkansela sa afternoon in-person classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong mga paaralan sa lungsod.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, magsasagawa ng asynchronous o modular learning para matiyak na tuloy pa rin ang pagkatuto ng mga mag-aaral habang pinayuhan din niya Navoteños na maging alerto at sundan ang mga opisyal na anunsyo mula sa mga paaralan, lungsod, at iba pang kaukulang ahensya.

Bandang alas-10:45 naman ng umaga nang i-anunsyo ng Valenzuela LGU ang pagsunpende sa online at in-person classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

Pinayuhan naman ni Mayor Wes Gatchalin ang lahat na maging alerto sa lahat ng oras lalo na ang malalapit sa lugar na mabilis tumaas ang tubig baha at agad aniyang lumikas kung kinakailangan para sa kaligtasan ng lahat. (Richard Mesa)