QC LGU, pananagutin ang responsable sa pagbagsak ng billboard
- Published on July 22, 2025
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na mananagot ang mga responsable sa pagbagsak ng billboard sa C5 Katipunan-Ateneo Southbound nitong Sabado, Hulyo 19.
Sinabi ng QC LGU na batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na walang butas ang billboard para daanan ng hangin kaya nagmistula itong isang malaking layag at sa hagupit ng bagyong Crising at habagat ay natangay pati ang buong metal structure na kinakapitan ng billboard na gawa sa tarpaulin.
Ang normal na protocol ay dapat na ibaba, itupi o inirorolyo ang mga tarpaulin billboard kapag may paparating na masamang panahon gaya ng bagyo at habagat.
Iimbestigahan din ng QG LGU kung bakit hindi nasunod ang protocol na ito.
Ayon sa QC LGU, agad nilang ipinadala ang mga tauhan mula sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, Department of Public Order and Safety at Traffic and Transport Management Department sa pakikipagtulungan sa Metropolitan Manila Development Authority, Meralco at Quezon City Police District para magsagawa ng clearing operations at asistihan ang mga apektadong motorista.
Nagpaalala rin ito sa lahat ng billboard owners at operators na siguruhing ligtas, matibay at maayos na naitayo ang kanilang mga istruktura lalo na sa panahon ng bagyo. (PAUL JOHN REYES)