Para sa araw ng Miyerkules, Hulyo 23: Pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas, sinuspinde ng Malakanyang
- Published on July 22, 2025
- by people's balita
Para sa araw ng Miyerkules, Hulyo 23: Pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas, sinuspinde ng Malakanyang
MULING sinuspinde ng Malakanyang ang pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Palawan, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Laguna at Negros Occidental, araw ng Miyerkules, Hulyo 23, 2025.
Ito’y bunsod na rin ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Southwest Monsoon.
Ang suspensyon sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas ay batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 90 na inilabas ngayong araw ng Martes, Hulyo 22, tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na ang mga ahensiya na responsable sa ‘basic, vital at health services’, paghahanda at mga tungkulin sa pagtugon ay dapat na magpatuloy at manatiling operational upang matiyak na nagpapatuloy ang mahahalagang ginagawa ng gobyerno sa kabila ng nasabing deklarasyon ng work suspension.
“Non- vital government employees of subject agencies and all other government employees may be negaged under approved alternate work arrangements, subject to applicable law, rules and regulations,” ayon sa MC No.90.
Sa kabilang dako, ang localized cancellation o suspensyon ng klase at/ o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ibang rehiyon ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executive, alinsunod sa kaugnay na batas at rules and regulations.
Samantala, ipinauubaya naman na ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa pribadong kompanya at tanggapan sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno.
Ang nasabing circular ay kagyat na magiging epektibo. ( Daris Jose)
