PBBM, bukas sa ‘makabuluhang’ suhestiyon ng OVP- Malakanyang
- Published on July 21, 2025
- by @peoplesbalita
BUKAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa “makabuluhang” suhestiyon ng Office of the Vice President (OVP).
Ito’y matapos na sabihin ni OVP spokesperson Ruth Castelo na ang panatilihin na hindi bigyan ng pondo si Vice President Sara Duterte para sa mga proyekto at mga programa ng OVP ay isang “a great disservice to the country.”
“Kung anuman po ang suhestiyon na makabuluhan, magandang suhestiyon na magmumula sa OVP, hindi po ito tinatanggihan at hindi po sinasara ng Pangulo ang pintuan sa Bise Presidente,” ang naging pahayag ni Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Lahat po ng maaaring suhestiyon na makabuluhan ay tatanggapin po iyan kung ito naman po ay makakatulong sa taumbayan,” aniya pa rin.
Gayunman, sinabi ni Castro, na nakalulungkot na si VP Sara mismo ang nagsabi na hindi niya tutulungan ang administrasyong Marcos kahit pa binanggit nito na may alam siyang “formula” para bawasan ang presyo ng bigas.
Ani Castro, nakahandang makinig si Pangulong Marcos sa suhestiyon ng OVP para mas mapabuti ang bansa , subalit mas pinili ni VP Sara na hindi makipagtulungan.
“So, hindi po nanggagaling sa Pangulo o sa administrasyon na ito ang pagharang sa kaniyang mga gustong gawin para sa taumbayan,” ayon kay Castro.
Sa kabilang dako, itinanggi naman ni Castro na may kamay si Pangulong Marcos sa pagtapyas sa budget ng OVP para sa 2025, sinabi ni Castro itinaas pa nga ng Department of Budget and Management (DBM) ang budget ng OVP ng P170 million hanggang P903 million para sa 2026.
Humirit kasi ang OVP ng budget na P2.03 billion para sa 2025, subalit binawasan naman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang appropriations sa P733 million dahil sa pagtanggi ni VP Sara na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas ukol sa budget utilization ng kanyang tanggapan.
Ang inisyal na panukalang budget ng OVP ay P733 million para sa 2026, tumutugma ito sa kanilang 2025 allocation.
“Kung anuman po ang naging desisyon ng House of Representatives, ng Congress ay hindi na po ito saklaw ng Pangulo,” ayon kay Castro.
“Mas mabuti po siguro, kung gusto, nais niya po ng mas malaking budget, katulad ng isang estudyante, kung meron kayong thesis na gustong idepensa, idepensa niyo po ng maayos para kayo’y mapagbigyan,” aniya pa rin. (Daris Jose)