• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa kabila ng digital shift: Physical national IDs, magpapatuloy

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa publiko na ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagpo-produce ng physical national ID cards, kahit pa pinabilis na nito ang digitalization efforts sa pamamagitan ng eGovPH Super App.

Inihayag ito ng Pangulo matapos pangunahan ang paglulunsad ng eGovPH Super App, kung saan ang digital copy ng National ID ay maaaring matagpuan, sa San Juan City.

Sa naging pahayag ng Pangulo, tiniyak ng Pangulo sa publiko na habang ang digital services ay prayoridad para ma-meet ang demands ng modern governance, ang produksyon at distribusyon ng physical IDs ay mapapatuloy upang masiguro ang accessibility para sa lahat ng sektor.

“May sektor pa rin ng ating lipunan na nag-i-insist doon sa physical ID. So, isusunod na namin yun,” ayon sa Pangulo.

Winika ng Pangulo na ang digital version ng national ID ay kasalukuyang prayoridad dahil sa malawak na gamit nito sa online transactions.

“Inuna namin yung digital dahil siyempre iyon talaga ang pinaka-nagagamit, ang paliwanag ng Pangulo.

Tinuran ng Pangulo na may 88 milyong Filipino ang nakakuha na ng kanilang digital national ID.

Napatunayan aniya na ang digital ID ay mahalaga para sa pag-access ng serbisyo na isinama sa eGovPH Super App, isang one-stop mobile platform na dinisenyo para gawing simple ang mga government transaction.

“With the digital ID, we are able to do all of the things that the eGov app is able to do,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“You can do all that in the comfort of your own home, in your office, or you know, while you’re playing Candy Crush,” aniya pa rin.

Samantala, sa pinakabagong data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), makikita na 93.48 milyong pinoy ang nakarehistro para sa national ID, mula sa kabuuang populasyon na 112.7 milyon.

‘As of June 6’, iniulat ng PSA ang delivery o paghahatid ng 54.91 milyong physical national ID cards. (Daris Jose)