• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, nirerepasong mabuti ang pagbabawal sa online gambling

NANANATILING nirerepasong mabuti ng gobyerno ang mas malawak na implikasyon sa pagbabawal sa lahat ng uri ng online gambling, sa gitna ng lumalakas na panawagan na magpatupad ng ‘total ban’ bunsod ng maraming kaso ng mga Filipino na lubog sa utang dahil sa “gambling addiction.”

Sa isang panayam, tinanong si Executive Secretary Lucas Bersamin kung maga-anunsyo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng “total ban’ sa online gambling sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) bago matapos ang buwan gaya ng kanyang ginawa noong nakaraang SONA noong nakaraang taon kung saan ipinagbawal ang Philippine offshore gaming operators (POGOs).

“Well, the policy remains the same… the President is very strong about POGOs, banned na ‘yan,” ayon kay Bersamin.

Nilinaw nito na habang nananatiling ban ang POGOs, ang iba pang uri ng online gaming na hindi nauugnay sa scams o online fraud ay patuloy na pinag-aaralan.

“We are still looking into it because we have to see all the ramifications that gaming of that method may be allowed to operate,” dagdag na pahayag ni Bersamin.

Samantala, sinabi ni Bersamin na ‘hands- on’ si Pangulong Marcos sa paglikha ng kanyang taunang pag-uulat taumbayan.

“The President has been involved very personally in the preparation of the SONA because that is the report to the people,” anito.

“Alam niyo si Presidente, masyadong malakas ang focus niyan sa mga ganitong bagay because he really loves to communicate to the people the work that he has been doing, that the Cabinet has been doing, that the entire government has been doing,” aniya pa rin.

Samantala, nakatakdang ihayag ng Pangulo ang kanyang pang-apat na SONA sa darating na Hulyo 28 sa Batasan Pambansa. (Daris Jose)