• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Fernando, iginuhit ang kurso sa pangmatagalang legasiya sa kanyang ikatlong termino

LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi lamang maglilingkod sa panibagong termino si Gobernador Daniel R. Fernando; lumilikha siya ng legasiya.

Sa pagsisimula ng kanyang ikatlong termino, inilatag ng gobernador ang malinaw na bisyon, na nakatutok sa limang mahalagang aspeto na idinisenyo upang siguruhing may pangmatagalang epekto sa hinaharap ng Bulacan ang kanyang mga nakalipas na pagpupunyagi.

Sa ginanap na Pasinayang Pagpupulong ng Ika-12 Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Bise Gob. Alexis C. Castro kahapon sa Benigno Aquino, Jr. Session Hall, ipinahayag ni Fernando ang kanyang Ulat sa Lalawigan kung saan ibinaba niya ang pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon: kalusugan, edukasyon, kabuhayan at kaunlaran, kapaligiran at basura, at pagbaha.

“Sa pagtatapos ng aking panunungkulan, ang adhikain ko ay simple ngunit makapangyarihan: makita ng bawat Bulakenyo na matatag na nakatayo sa sariling paa, may disenteng hanapbuhay, may pagkain sa hapag, ligtas, masaya, at may dignidad ang pamumuhay,” anang gobernador.

Pinalawig niya ang kanyang mga plano kabilang ang modernisasyon ng Bulacan Medical Center at mga district hospital upang makapaghatid ng makabagong serbisyong pangkalusugan; itaas ang pamantayan sa edukasyon sa pamamagitan ng mga scholarship mula junior high hanggang board exams, talakayin ang isyu ng job mismatch, turuan ang mga mag-aaral ng iba’t ibang mga kakayahan, at itayo ang parehong Bulacan Sports Academy para sa umuusbong na atleta at Go-Koop College para sa mga batang negosyante.

“Ang Bulacan ay handa ng makipagsabayan sa makabagong panahon. Katuwang natin ang pribadong sektor sa pagpapatupad ng mga proyekto na magbubukas ng oportunidad sa ating mga mamamayan,” dagdag niya.

Ibinida rin ni Fernando ang ilan sa mga malalaking proyekto na nakatakdang panibaguhin ang lalawigan, kabilang ang Bulacan Mega City Project, Technohub and Innovation Center, Farmers’ Productivity Center, at ang Animal Breeding and Multiplier Farm.

Kinilala rin niya ang mahahalagang inisyatibang pang-nasyunal na makakaapekto sa Bulacan, kabilang ang North-South Commuter Railway, MRT-7, at ang New Manila International Airport.

Hindi rin nakalimutang talakayin ng People’s Governor ang patuloy na problema ng lalawigan sa basura, at tinawag itong ugat ng sakit, polusyon, at pagbaha.

“Kasado na rin po ang plano nating first Bulacan Environment Summit ng Pamahalaang Panlalawigan upang magkaroon tayo ng malawakang pagkilos laban sa problema natin sa basura at pagbaha sa Bulacan,” anunsyo ng gobernador.

Sa kabila ng kanyang pang-hinaharap na adyenda, sinamantala rin ng gobernador ang pagkakataon upang iulat ang mga pangunahing kahanga-hangang napagtagumpayan ng kanyang nakalipas na dalawang termino, na naka-angkla sa kanyang People’s Agenda 10.