Gang member na wanted sa drug traficking sa Valenzuela, nakorner sa Leyte
- Published on July 21, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang isang miyembro ng ‘Robbery Gang’ na wanted sa drug trafficking sa Lungsod ng Valenzuela nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa lalawigan ng Leyte.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas na nagtatago sa naturang probinsya ang akusado na si alyas “Dacz”, na nakatala bilang No. 10 Top Most Wanted Person sa Valenzuela police.
Kaagad nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS sa CIDG Northern Leyte Provincial Field Unit bago ikinasa ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Dacz’ dakong alas-8:10 ng gabi sa Barangay Naval, Hilongos, Leyte.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni Col. Bisayas ang arrest warrant na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 171, noong June 4, 2025 para sa paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng Republic Act 9165.
Bilang pagsunod sa operational protocols ng PNP, gumamit ang team ng Body-Worn Camera (BWC) sa panahon ng pag-aresto sa akusado.
Pinuri naman ni NPD Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio ang koordinasyon at mabilis na pagpapatupad ng pag-aresto.
“This successful operation exemplifies our commitment to the relentless pursuit of justice. I commend our operatives for their diligence and teamwork in capturing a high-value target who has long evaded law enforcement,”pahayag niya. (Richard Mesa)