• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

No. 10 top most wanted person ng Malabon, swak sa selda

BINITBIT sa selda ang isang kelot na wanted sa kasong robbery sa Lungsod ng Malabon matapos makorner ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City.

Ayon kay Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang akusadong si alyas “Robin”, 31, vendor, ng Brgy. Catmon, na nagtitinda sa isang palengke sa Caloocan City

Sa ulat ni Col. Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, nakatala bilang No. 10 Top Most Wanted Person si ‘Robin’ sa Malabon CPS.

Agad bumuo ng team ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) Malabon CPS saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-4:20 ng hapon sa Sangandaan Public Market, Caloocan City kung saan siya nagtitinda bilang vendor.

Ani Col. Umipig, maayos naman naisilbi ng kanyang mga tauhan sa akusado ang warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 293, noong June 27, 2025 para sa kasong Robbery.

May inirekomenda namang piyansa ang korte na halagang P100K para sa pansamantalang kalayaan ng akusado na ipiniit muna sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)