Street gang members, kanilang pamilya pinalayas ni Mayor Wes sa Valenzuela
- Published on July 19, 2025
- by @peoplesbalita
SA kanyang patuloy na giyera laban sa street gangs sa Valenzuela City, pinalayas ni Mayor WES Gatchalian sa lungsod ang hindi bababa sa 45 indibidwal na karamihan ay mga miyembro ng gang na sangkot sa sunud-sunod na criminal activities tulad ng iligal na droga at vandalism.
Ayon kay Mayor Wes, ipinag-utos niya ang pagpapalayas sa miyembro ng gang na pinangalanang “Original Trouble Maker” at ang kanyang pamilya dahil sa paninira sa isang unit ng pabahay na pag-aari ng lungsod sa Disiplina Village, Bignay.
“Sinira ang kwarto, binasag ang salamin, sinira pa ang kagamitan n’ung pinapaalis sila,” ani alkalde.
Ang pamilya ng street gang member ay inilipat na sa kanilang orihinal na lugar sa Novaliches, Quezon City, habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanila. Ang nasira namang unit ay aayusin at ibibigay sa mga lehitimong residente ng Valenzuela.
“Ang warning ko sa mga natitirang gang members sa Disiplina Village (sa Bignay, Ugong, at Lingunan), madadamay ang pamilya niyo. Kung patuloy kayong manggulo dito sa aming lungsod, umalis na kayo ng Valenzuela,” babala niya.
Kaugnay nito, ipinasa ng pamahalaang lungsod ang Resolution No. 3467, na nagdedeklara sa mga miyembro ng 13 natukoy street gangs sa lungsod bilang Persona Non Grata at Ordinance No. 1262, Series of 2025, na nagbabawal sa paglikha at pagpapatakbo ng street gangs, kabilang ang pangangalap ng mga menor-de-edad para sa marahas na aktibidad ng gang. (Richard Mesa)