Barangay Tanod Empowerment and Protection Act of 2025, inihain sa kongreso ni Cong. Erice
- Published on July 18, 2025
- by @peoplesbalita
BILANG kaagapay ng Pambansang Kapulisan ng bansa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng kani-kanilang nasasakupan, inihain ni Caloocan City 2nd District Representative Edgar “Egay” Erice ang House Bill No. 1676 na kilala rin bilang “Barangay Tanod Empowerment and Protection Act of 2025”.
Nitong Hulyo 9, 2025, nang ihain ni Cong. Erice ang naturang panukalang batas na naglalayong gawing normal na auxiliary police personnel ang mga barangay tanod nang sa gayon ay maitaas ang kanilang katayuan at pahusayin ang kanilang gampanin sa peace and order situation sa kanilang lugar.
“Ang mga barangay tanod ang mga frontliner ng kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad. Panahon na upang bigyan natin sila ng mga kagamitan, pagsasanay, at suporta na kailangan nila upang maisagawa ang kanilang mga tungkulin nang epektibo at may dignidad,” pahayag ni Rep. Erice.
Bukod sa kikilalaning Auxiliary Police Personnel ang mga Brgy tanod, tampok din sa inihaing batas na ito na magiging kwalipikado ang mga may edad na mula 21 hanggang 60 taong gulang, malusog, isasailalim sa pagsasanay upang mapahusay ang kasanayan at kahandaan.
Makatatanggap din sila ng buwanang pinansyal na suporta na halagang P2,000.00 na subsidiya bukod pa sa anumang kasalukuyang honoraria o lokal na insentibo, tiyak na seguridad o proteksyon sa pagtupad ng tungkulin iskolarship para sa hanggang dalawang anak ng bawat tanod, uniform at kumpleto at tamang kagamitan para sa ligtas sa pagganap ng tungkulin.
Pagtitibayin ng panukalang batas na ito na itaas sa lipunan ang katayuan at kapakanan ng mga Barangay Tanod sa buong bansa.
Kikilalanin din sila hindi bilang mga boluntaryo, kundi bilang mahalaga at may kapangyarihan lingkod ng bayan. (Richard Mesa)