Maghanda sa pagresponde sa bagyo… PBBM, inatasan ang mga gov’t agencies na maging alerto para kay ‘Crising’
- Published on July 18, 2025
- by @peoplesbalita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na maging alerto habang napapanatili ng Tropical Depression Crising ang lakas nito at pagtataya na magdadala ito ng matinding pag-ulan sa ilang lugar sa Hilagang Luzon.
“Meron pong mga direktiba ang ating Pangulo sa mga concerned agencies,” ang sinabi ni Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro nang tanungin hinggil sa paghahanda ng gobyerno para sa bagyong Crising.
“At patuloy pa rin ang pag-monitor at pagbibigay ng advisories sa mga stakeholders sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Castro na itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa blue alert para mapabilis ang heightened monitoring at mas mapabilis ang pagtugon sa hanay ng mga ahensiya habang tinatanggap ng bansa ang pangatlong tropical cyclone.
Winika pa ni Castro na patuloy naman ang ginagawa ng Department of Science and Technology (DoST) na weather monitoring at mga probisyon sa weather updates sa lahat ng stakeholders.
Ang iba pang ahensiya gaya ng Department of the Interior and Local Government at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakahanda rin na tumugon upang matiyak ang maayos na tulong sa mga typhoon-hit areas. (Daris Jose)