7 huli sa aktong sumisinghot ng shabu nang sorpresang bumisita si Mayor WES sa ‘Disiplina Village’
- Published on July 18, 2025
- by @peoplesbalita
DISMAYADO si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian nang mahuli sa akto ng mga kasama niyang pulis ang pitong katao, kabilang ang isang babae na sumisinghot ng shabu makaraang sorpresa siyang bumisita sa “Disiplina Village” sa Barangay Ugong, Miyerkules ng hapon.
Batay sa ulat, dumalaw sa nasabing lugar si Mayor Wes upang personal na makita ang sitwasyon ng mga residente kung saan inasistehan siya ng mga tauhan ng Valenzuela City Police Station sa pangunguna ni P/Col. Gerson Bisayas, kasama si P/Capt. Joan Dorado, OIC chief ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Station Intelligence Section (SIS), at Ugong Patrol Base-8.
Ayon kay Capt. Dorado, habang nag-iikot si Mayor Wes sa mga unit ng itinayong pabahay, nasilip ng kanyang mga tauhan sa nakasiwang na pinto ng isang unit ang nagaganap na pot-session ng anim na kalalakihan at isang babae.
Dito na pinasok ng pulisya ang unit at inaresto ang anim na kalalakihan na may edad 31 hanggang 41 at isang babae na edad 49, at residente ng Purok Cerily Aguilar, Pangasinan, na dumayo lang umano para suminghot ng shabu.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,576, dalawang plastic sachets na may bakas ng umano’y shabu at drug paraphernalias.
Nagpaalala naman si Col. Bisayas sa publiko na tumigil na sa paggamit ng droga at makipagtulungan na lamang aniya ang mga ito sa kampanya laban sa droga para sa ligtas na komunidad.
Ang ‘Disiplina Village’ ay proyektong pabahay ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela, katuwang ang ilang pribadong sektor na itinayo noong taong 2009 para sa mga residenteng naging biktima ng bagyong ‘Ondoy’, pati ang mga nakatira sa mga peligrosong lugar na karaniwan na umanong binibisita ni Mayor Wes ng walang abiso sa naturang lugar.
Kasong paglabag sa Sections 11 (possession of dangerous drugs), 12 (possession of drug paraphernalia), at 15 (use of dangerous drugs) sa ilalim ng R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa ng pulisya sa mga suspek Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)