Buo ang suporta ng Kamara sa ‘Walang Gutom Program’ ni Pangulong Marcos at DSWD
- Published on July 16, 2025
- by @peoplesbalita
PANGANGATAWANAN ng Kamara ang pangako nitong buong suporta sa Walang Gutom Program ng Pangulong Marcos at Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang na ang sapat na pondo sa ilalim ng 2026 national budget.
Binigyan-diin ni re-elected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na walang Pilipino ang dapat na magutom sa isang bansa na may malaking potensiyal at pangako.
“Hindi ito basta proyekto ng ating Pangulong Bongbong Marcos. His vision of a hunger-free Philippines under the Walang Gutom Program is a promise of dignity, a pledge of compassion, and a commitment to bring real change to every Filipino family struggling to put food on the table,” ani Romualdez.
Ang reaksyon ng mambabatas ay kasunod na rin sa pahayag ng DSWD na plano nitong palawigin ang Walang Gutom Program mula sa kasalukuyang 300,000 kabahayan sa 750,000 food-poor families sa susunod na taon.
Naglaan ang programa ng ₱3,000 halaga ng buwanang food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfer (EBT) card na magagamit sa pagbili ng pagkain mula sa accredited merchants.
Pinapurihan pa nito ang Pangulo sa pagsusumikap na malabanan ang kagutuman bilang bahagi na rin ng kanilang programa sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Sinabi pa nito na ang pagpapalawig sa Walang Gutom program ay hindi lamang pagtulong sa mga pamilyang nagugutom kundi maging sa magsasaka.
“Kung gusto nating wakasan ang gutom, kailangang suportado ang magsasaka sa produksyon, ang mamimili sa abot-kayang presyo, at ang bawat pamilya sa kaalaman at kabuhayan. Hindi sapat ang ayuda—kailangan ito’y tulay tungo sa kaunlaran,” dagdag ni Romualdez.
(Vina de Guzman)